Banatu 2017

LUNGSOD NG CABANATUAN, Enero 14 (PIA) -- Inaanyayahan ng pamahalaang lungsod ng Cabanatuan ang lahat na dumayo at makiisa sa ikalawang Banatu Festival.

Ayon kay City Information and Tourism Officer Eugene Mintu, magsisimula ang selebrasyon sa ika-29 ng Enero at tatagal hanggang ika-apat ng Pebrero.

Kasabay sa magiging unang araw ng selebrasyon ay ang pagpapasinaya ng Art at Photo Exhibit sa SM City Cabanatuan na katatampukan ng kasalukuyang estado at kasaysayang naganap sa lungsod gayundin ay kaabang-abang ang Banatu Countdown sa Plaza Lucero.

Kabilang pa sa mga nakalinyang aktibidad ay ang Longganisa Festival, Kites Festival, Teachers’ Night, Jobs Fair, Kasalang Bayan, Grand Premiere ng Banatu Film Festival, at Gawad Parangal para sa mga natatanging Cabanatueño.

Hindi naman mawawala ang mga kasiyahan at pagpapakita ng angking talento ng mga kabataan tulad ang pagsali sa Zarzuela, Sayaw Cabanatuan, Hiphop Competition, at Barangay Night.

Para naman sa mga mahihilig sa pampalakasan at mga sports event ay iginagayak ng pamahalaang lungsod ang MTB Fun Ride, Fun Race, Exhibitions, Bike Show, BMX at Skateboard Competition, 4x4 Off-road Challenge, at ang Karera ng Kalabaw.

Dagdag pa rito ang mga taunang dinarayo gaya ang Binibining Cabanatuan at Miss Gay.

Sa pagsapit ng mismong pistang araw sa ika-tatlo ng Pebrero ay idaraos ang Grand Parade, Drum and Lyre, Street Dancing Competition, at Float Parade. 

 

Ang salitang Banatu, na kinikilalang pinagmulan ng siyudad, ay lumalarawan sa  isang uri ng baging na matatagpuang yumayabong sa gilid ng kailugan at ginagamit na panali at pangbigkis upang magsilbing gabay at tibay. (CLJD/CCN-PIA 3)

 

 

Quick Links