Nagsagawa ng isang palatuntunan ang Nueva Ecija University of Science and Technology (NEUST) sa Rico Fajardo Hall, Sumacab Campus upang tanggapin ang delegasyon mula sa Universitas Muhammadiyah Kendari (UM Kendari) ng Indonesia noong Agosto 19, 2024. Ang pagbisitang ito ay nagsilbing mahalagang hakbang sa pagpapalawak ng internasyonal na kolaborasyon sa pagitan ng dalawang institusyon.
Ang delegasyon mula sa UM Kendari ay pinangunahan ni Dr. Ir. H. Muhammad Nurdin, Rector; kasama sina Mustam, SP., MM, Dekano ng Faculty of Islamic Economics and Business; Dr. Titin Rahmiatin Rahim, Direktor ng Cooperation and International Affairs; Dr. Ir. Nahdatunnisa, Ulo ng Research Center; Rahmat Nasrullah, Ulo ng English Education; Murniati, S.Sos, Kalihim ng Quality Assurance Unit; at Dr. Ir. Maulidiyah, guro sa UM Kendari.
Sa kanyang pambungad na pananalita, malugod na tinanggap ni Dr. Sarah C. Alvarez, Dekano ng College of Management and Business Technology (CMBT), ang mga bisita at ipinaabot ang pasasalamat para sa patuloy na magandang ugnayan ng NEUST at UM Kendari. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng internasyonal na kolaborasyon sa hangarin ng NEUST na maging “globally competitive” at makapag-hubog ng mga mag-aaral na may global na kakayahan.
Ibinahagi ni Atty. Eric G. Claudio, PhD, Direktor ng NEUST International Affairs Office, ang kasaysayan ng ugnayan ng NEUST at UM Kendari na nagsimula noong Setyembre 2021. Inilahad niya ang pinakalayunin ng pagbisita โ ang muling paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) para sa Faculty and Student Exchange Program at International Credit Transfer Program na kinabibilangan ng CMBT, College of Education (COED), College of Architecture (COArch), at College of Criminology (COC).
Bilang bahagi ng kanilang pagbisita, magbibigay ang UM Kendari ng lektyur sa mga nabanggit na departamento ng NEUST. Umaasa naman si Atty. Claudio na magpapatuloy at madaragdagan pa ang mga kolehiyo ng NEUST na mapapabilang sa mga ganitong programa.
Ayon kay Dr. Rhodora R. Jugo, Pangulo ng NEUST, ang paglagda sa pagpapalawig ng pakikipag-ugnayan ay hindi lamang isang pormal na kasunduan, ito rin ay nagsisilbing pagpapatibay ng ugnayan bilang mga kasapi ng akademikong institusyon na humaharap sa bagong yugto ng internasyonal na kolaborasyon. Dagdag pa niya, sa pamamagitan ng pinagsanib na pananaliksik, palitan ng mga estudyante at guro, at kolaboratibong mga proyekto, matutuklasan ang mga bagong oportunidad para sa inobasyon at pag-unlad sa kani-kanilang bansa at pamantasan.
Sa kanyang tugon, nagpasalamat si Dr. Ir. H. Muhammad Nurdin, Rector ng UM Kendari, sa mainit na pagtanggap mula sa NEUST. Aniya, ang pakikipagtulungan sa NEUST ay patunay ng kanilang layunin na palawakin ang mga oportunidad sa edukasyon para sa kanilang mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagkatuto, pagsisiyasat, at pakikipag-ugnayan.
Naghatid naman ng pampasiglang bilang ang NEUST Chorale at Folkloric Group, kung saan ipinamalas nila ang kahusayan ng mga mag-aaral ng NEUST habang ipinapakita ang mga natatanging kultura ng mga Pilipino.
Nagtapos ang palatuntunan sa paglagda ng MOA sa pangunguna ni Dr. Rhodora R. Jugo at Dr. Ir. H. Muhammad Nurdin, na sinaksihan nina Atty. Claudio, Dr. Rahim, at mga dekano kabilang sina Dr. Alvarez, Dr. Jo Neil T. Peria ng COED, Ar. Gregorio L. Villaviza, Jr. ng COArch, at Prof. Cristina Virginia B. Jimmy, Jr. ng COC.
#SDG4QualityEducation#SDG17PartnershipsForTheGoals