Noong Agosto 22, 2024 ay nagdaos ng International Faculty Exchange Visiting Professor Lecture ang mga fakulti ng Universitas Muhammadiyah Kendari (UM Kendari) ng Indonesia sa mga mag-aaral ng NEUST College of Criminology at College of Architecture na ginanap sa NEUST Sumacab Campus.
Si Mr. Rahmat Nasrullah, S.Pd., M.Hum., ay nagbahagi ng kaalaman at makabuluhang talakayan sa paksang “Comparative Criminal Justice System: Philippines and Indonesia.” Tinalakay niya ang mga pagkakatulad at pagkakaiba ng dalawang bansa sa pagpapatupad ng batas, mga legal na proseso, at mga correctional na hakbang. Ang lecture ay nagbigay ng mahahalagang pananaw sa mga hamon at pagkakataon sa loob ng sistema ng katarungang pangkrimen sa parehong bansa, na nagbigay-daan sa mas malalim na pag-unawa ng mga estudyante at guro sa pandaigdigang konteksto kung saan umiiral ang pagaaral ng criminology.
Kasabay nito ang komprehensibong pagtuturo ng mga paksang tumatalakay naman sa arkitektural na aspeto na dinaluhan ng mga mag-aaral mula sa College of Architecture na may pamagat na “Crossing the Border: Embracing Cultural, Physical, and Technical Differences in Architectural Approaches Globally.” Ang unang tagapagsalita, si Dr. IR. Nahdatunnisa, ay nagpakita ng kanyang paksa na “Pedestrian Path Strategy,” na nakatuon sa mga prinsipyo ng iba’t ibang inklusibong disenyong arkitektural. Binigyang-diin ng kanyang turo ang kahalagahan ng paglikha ng mga pedestrian pathways na akma para sa mga taong may kapansanan at nagsisiguro ng aksesibilidad; at ang pagsasaalang-alang ng mga pangangailangan ng mga gumagamit at ang mga pinakamahusay na gawi sa urban planning sa buong mundo, lalo na sa paglikha ng inklusibong pampublikong espasyo.
Tinalakay naman ni Dr. Tintin Rahmiatin Rahim ang mayamang kasaysayan at kahalagahan ng kulturang arkitektura ng Indonesia na nagpapakita ng pagbabago ng mga tradisyonal na disenyo sa paglipas ng panahon. Binigyang-pansin niya ang kahalagahan ng pagpapanatili ng mga tradisyong arkitektural na ito dahil sumasalamin ang mga ito sa iba’t ibang impluwensiyang kultural na humubog sa Indonesia; at nagbigay ng mga pananaw kung paano maaaring matuto ang mga modernong arkitekto at maisama ang mga elemento ng pamanang ito sa mga makabagong disenyo.
Bilang pagtatapos, tinalakay ni Ar. Sarah Hussein, guro mula sa NEUST College of Architecture, ang paksang “Designing Climate: The Evolution of Tropical Architectures in the Philippines”, kung paano nag-adapt ang arkitekturang Pilipino sa tropikal na klima ng bansa. Binigyang-diin niya ang mga tradisyonal at modernong estratehiya sa disenyo na tumutugon sa init at malakas na pag-ulan, tulad ng paggamit ng natural na bentilasyon, lilim ng espasyo, at sustainable na materyales—na nagbigay-kahalagahan sa climate-responsive design sa paglikha ng mga gusali.
Ang kaganapan ay nagbigay ng mahalagang pagkakataon para sa mga mag-aaral at guro na makilahok sa iba’t-ibang pandaigdigang pananaw at ang kahalagahan ng cross-cultural learning at integrasyon ng tradisyonal at modernong mga gawi bilang karagdagan sa pag-unawa sa mga pandaigdigang aral sa kriminolohiya at arkitektura, na nagbigay-inspirasyon sa komunidad ng NEUST na yakapin ang mga makabagong pamamaraan sa mga nabanggit na larangan.