“Bilang isang institusyong nakaugat sa paglilingkod sa bayan, kaisa ang Nueva Ecija University of Science and Technology (NEUST) ng sambayanang Pilipino sa paggunita at pagpapahalaga sa diwa ng kalayaan. Sa pamamagitan ng edukasyon, pananaliksik, at makabuluhang pakikilahok sa mga gawaing panlipunan, patuloy na isinusulong ng Pamantasan ang mga adhikain ng isang malaya at maunlad na Pilipinas.”

Ito ang naging mensahe ni Dr. Rhodora Jugo, Pangulo ng NEUST, sa kanyang talumpati sa pagdiriwang ng ika-127 Araw ng Kalayaan ng Pilipinas na ginanap ngayong ika-12 ng Hunyo 2025 sa Heroes’ Park, NEUST Sumacab Campus.

Nagsimula ang programa sa sabayang pag-awit ng Pambansang Awit ng Pilipinas na tinugtugan ng University Brass Band, kasunod ang pagtataas ng watawat sa tulong ng Civil Security Unit (CSU) at mga kadete ng NEUST ROTC, at panalangin na pinangunahan naman ni Dr. Elenita Paet, direktor ng Moral Recovery and Spiritual Uplift Program (MRSUP).

Samantala, ang panunumpa sa watawat ng Pilipinas ay pinangunahan ni Dr. Ronald Santos, Faculty and Staff Union Executive Vice President, kasunod ang sabayang pag-awit ng NEUST Hymn at isang natatanging pagtatanghal mula sa NEUST Folkloric Group.

Sa ikalawang bahagi ng programa, pinangunahan ni Dr. Jugo, kasama sina Atty. Bembol Castillo (VP for Business, Administration, and Finance), Dr. Feliciana Jacoba (VP for Academic Affairs), at Dr. Jean Guillasper (VP for Research, Extension, and Training), ang pagbibigay-pugay at pag-aalay ng bulaklak sa mga bayani ng kasarinlan.

Binigyang-diin ni Dr. Jugo ang malalim na kahulugan ng temang ‘Kalayaan, Kinabukasan, Ksaysayan’.

“Ang tunay na diwa ng kalayaan ay hindi lamang nasusukat sa kasarinlan mula sa pananakop. Ito rin ay nasusukat sa ating kakayahang isabuhay ang responsibilidad ng pagiging malaya — ang maging makatao, makabayan, at makatarungan sa bawat kilos at pasyang ating ginagawa. Ang kalayaan ay may kaakibat na tungkulin: ang pagpapanatili ng kapayapaan, katotohanan, at katarungan sa ating lipunan.”

Ang pagdiriwang na ito ay naisagawa sa pangunguna ng NEUST National Service Training Program (NSTP), Literary, Culture, and the Arts Development Center (LCDAC), Institute of Linguistics and Literature (IOLL), College of Criminology (COC), at Civil Security Unit (CSU).

#ika127naArawNgKalayaan