Pormal na lumagda sa isang Usufruct Agreement ang Nueva Ecija University of Science and Technology (NEUST) at ang Pamahalaang Bayan ng Sto. Domingo, Nueva Ecija para sa paggamit ng dating munisipyo ng Sto. Domingo bilang pansamantalang lokasyon ng NEUST Sto. Domingo Campus na ginanap noong Agosto 1, 2025 sa Mini Convention Center ng NEUST Sumacab Campus.
Ang nasabing pagtitipon ay dinaluhan ng mga opisyal mula sa pamantasan at lokal na pamahalaan, na pinangungunahan nina NEUST President Dr. Rhodora Jugo, Vice President for Academic Affairs Dr. Feliciana Jacoba, VP for Administration, Business & Finance and Legal Officer Atty. Bembol Castillo, Director of NEUST Sto. Domingo Campus Dr. Marlon Rufino, Sto. Domingo Mayor Hon. Leonido DL. De Guzman, Vice Mayor Jhelyn D. Velasco, at Municipal Administrator Imee L. De Guzman.
Sa ilalim ng kasunduan, pansamantalang ipagkakaloob ng Lokal na Pamahalaan ng Sto. Domingo ang paggamit ng 5,105sqm na lupain na kinatatayuan ng dating munisipyo upang magsilbing pansamantalang kampus ng NEUST.
Kabilang sa mga pasilidad na ipagkakaloob ay ang dating gusali ng munisipyo, Senior Citizen Building, Rural Health Unit Building, ABC Hall, Municipal Gymnasium, Office of the Municipal Administrator, Department of Agriculture Building, at iba pang gusaling maaaring idagdag batay sa pangangailangan ng unibersidad.
Sa ilalim ng parehong kasunduan, pinahihintulutan din ang NEUST na magtayo ng mga karagdagang estruktura sa mga nasabing pasilidad upang matiyak ang maayos na paggamit at operasyon ng kampus alinsunod sa mga patakaran at layunin ng pamantasan.
Sa kanyang mensahe ay ipinahayag ni Pangulong Jugo ang adhikain ng pamantasan na palawigin ang serbisyong magpapalawig sa edukasyon ng mga kabataan sa naturang bayan: “Sa pagbibigay ninyo ng pagkakataon sa Pamantasan na mapalawak ang presensya nito sa Sto. Domingo, kayo ay nagtatanim ng binhi ng kaalaman na tiyak na mamumunga sa hinaharap.”
Binigyang-diin ni Dr. Marlon Rufino, ang kahalagahan ng kasunduang pinirmahan:
“When we sign this document, we are not just transferring operational control; we are transferring dreams into action. In the years to come, this campus will serve as the training ground for future teachers, engineers, business leaders, and public servants.”
Ipinaliwanag naman ni Atty. Bembol Castillo, ang layunin ng kasunduan, kabilang na ang mga tungkulin, pananagutan, at benepisyo ng parehong panig.
Samantala, nagpaabot naman ng pasasalamat si Mayor Hon. Engr. Leonido De Guzman Jr. sa buong pamunuan ng NEUST at sa mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Sto. Domingo sa suporta sa inisyatibong ito.
Ang kasunduang magkakabisa sa loob ng limampung (50) taon ay isang makabuluhang hakbang tungo sa pormal at pangmatagalang pagtatatag ng NEUST Sto. Domingo Campus na inaasahang magpapalawak sa daanan ng mga kabataang Novo Ecijano sa dekalidad na edukasyon at magpapalawig ng pampublikong serbisyo.
#NEUSTGLOBAL
#SDG4QualityEducation