NEUST RET Department, ibinida ang mga nagawa sa unang bahagi ng taon

Bilang bahagi ng pagsusuri sa kanilang mga proyekto, iprinisenta ng Research, Extension, at Training (RET) Department ng Nueva Ecija University of Science and Technology (NEUST) ang kanilang Midyear Accomplishment Report, sa pamamagitan ng isang programang ginanap sa Mini-Convention Center, Sumacab Campus, nitong unang araw ng Agosto.

Pinangunahan ni Dr. Jean Guillasper, RET Vice President, ang pag-uulat kung saan binalangkas ang mga naisakatuparan, hamon, at susunod na hakbang ng departamento.

Pinuri ni NEUST President Dr. Rhodora Jugo ang RET Department sa pagbibigay ng malinaw na ulat sa kalagayan ng kanilang mga proyekto.

“Isa kayo sa pinakamahalagang sektor ng unibersidad. Sa ulat na ito, mas nakikita natin ang progreso sa Research, Extension, at Training—tunay na makakatulong sa patuloy na pag-unlad ng NEUST,” pahayag ni Dr. Jugo.

Ang Research Services Department (RSD), sa pamumuno ni Dr. Marilene Hipolito, ay naglahad ng mga natapos na pag-aaral at pananaliksik, kabilang ang mga ambag ng Research Publication Office sa ilalim ni Dr. Angelo Santos at ng Innovation Management Office na pinamumunuan ni Dr. Edgelly Vitug.

Ang iba’t ibang Research Center ng unibersidad ay nagbahagi ng kanilang mga accomplishment, kung saan ang Data and Statistical Analysis Center ay inilahad ni Dr. Cristo Mark Ancheta, ang Regional Center for Indigenous Peoples’ Education ay ipinakita ni Dr. Vilma Ramos, si Rachelle Conmigo naman ang nag-ulat mula sa Onion Research Center, at si Engr. Nathaniel Oliveros ang nagpresenta para sa Metal and Engineering Innovation Center.

Pinangunahan nina Dr. Marivic Villegas, Direktor ng Extension Services Department (ESD); Dr. Ruth Ann Santos, namumuno sa Community Learning Resource Center (CLRC); at Dr. Marilou Pascual, Direktor ng Training Services Department (TSD), ang pagtalakay sa mga programa at pagsasanay na naisagawa sa lokal at internasyonal na komunidad.

Nagbahagi naman ng pagsusuri at mungkahi sina Dr. Kenneth Armas at Kathleen Rose Jose ng Planning and Development Office (PDO) para sa mga napagdaanang pagsubok at mga hakbangin sa pagpapahusay ng mga serbisyo.

Dumalo rin sa pulong ang ilang opisyal at kawani ng RET Department, kasama sina Dr. June Jay Irvin Pula at Dr. Junil Constantino.

Ang naturang aktibidad ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng NEUST na pagbutihin ang serbisyo nito sa pamamagitan ng epektibong pagsusuri at plano.

#NEUSTGLOBAL #NEUSTRET #MidYearAccomplishment2025