NEUST CoAgri, katuwang sa pagsusulong ng makabagong agrikultura

LUNGSOD NG BACOLOD– Dalawang guro mula sa Nueva Ecija University of Science and Technology (NEUST) College of Agriculture (CoAgri) – Gabaldon Campus na sina Jacinth Jane Embien at John Edwin Diozon ay lumahok sa 12th Philippine Association of Agriculturists (PAA) National Congress and 2025 Philippine Agriculturist Summit na ginanap mula Hulyo 28 hanggang Agosto 1, 2025 sa SMX Convention Center, Bacolod City.

Nagsisilbing plataporma ang taunang kongreso sa pagtitipon ng mga propesyonal sa larangan ng agrikultura mula sa iba’t ibang panig ng bansa upang talakayin ang mga makabagong kaalaman, hamon, at inobasyon na humuhubog sa kasalukuyang kalagayan ng agrikultura sa Pilipinas.

Isa sa mga tampok sa kongreso ay ang talumpati ng panauhing pandangal na si Dr. Eufemio Rasco Jr., Agriculture Lead ng National Academy of Science and Technology (NAST).

Kanyang binigyang-diin ang kahalagahan ng paggamit ng makabagong teknolohiya, partikular ang Artificial Intelligence (AI), bilang susi sa pagtataguyod ng matatag at napapanatiling sistema ng pagkain sa bansa.

Bukod sa mga mahahalagang pahayag, tampok din sa programa ang presentasyon ng mga siyentipikong pag-aaral at mga interactive forum na tumalakay sa mga makabagong teknolohiya sa agrikultura tulad ng precision farming gamit ang satellite imagery at smart analytics, paggamit ng mobile technology at digital apps para sa kapangyarihan ng mga magsasaka, mga inobasyon sa biotechnology para sa mas matibay na pananim, smart irrigation systems para sa pagtitipid ng tubig, at blockchain technology para sa mas transparent na food supply chain.

Ayon kay Prof. Adiza Dela Cruz, Dekana ng CoAgri, mahalaga ang pagpapalawak sa kaalaman ng mga guro bilang hakbang sa mas malaki at mas malawak na adhikain.

“Ipinapakita nito ang dedikasyon ng College of Agriculture sa pagsusulong ng propesyon at pagiging katuwang sa pangunguna sa larangan ng agrikultura, tungo sa isang bansang may sapat na suplay ng pagkain,” saad niya.

Ang paglahok sa ganitong uri ng kongreso ay nagpapakita ng patuloy na dedikasyon ng NEUST sa pagbibigay ng dekalidad na edukasyon at sa paglinang ng mga guro tungo sa mas mataas na antas ng kaalaman sa agrikultura man o ibang asignatura.

#NEUSTGLOBAL
#NEUSTCoAgri
#SDG2ZeroHunger
#SDG4QualityEducation
#SDG9IndustryInnovationAndInfrastructure
#SDG12ResponsibleConsumptionAndProduction
#SDG13ClimateAction
#SDG17PartnershipsForTheGoals