“Ang tunay na tagumpay sa larangan ng medisina ay hindi lamang nasusukat sa taas ng marka o sa dami ng medalya, kundi sa dami ng buhay na inyong mabibigyang pag-asa at sa puso ng bawat pasyenteng inyong mapapagaling.β
Ito ang naging pahayag ni Dr. Rhodora Jugo, Pangulo ng Nueva Ecija University of Science and Technology (NEUST), sa oryentasyon ng College of Medicine (COM) noong Agosto 8, 2025, sa NEUST CAS AVR, Gen. Tinio Campus, Lungsod ng Cabanatuan, bilang pagsalubong sa kauna-unahang batch ng mga mag-aaral ng medisina sa kasaysayan ng unibersidad.
Binubuo ng tatlumpung (30) mag-aaral ang makasaysayang pagbubukas ng kolehiyo.
Tinalakay sa oryentasyon ang iskedyul ng klase, student manual, mga layunin at inaasahang kinalabasan ng programa, at ang curriculum map na magsisilbing gabay sa pagtupad ng kanilang akademikong tungkulin.
Ipinakilala rin ang mga program chair upang mabigyan ang mga mag-aaral ng malinaw na pananaw sa pamunuan at kakayahan ng mga guro sa kolehiyo.
Sa kanyang mensahe, ipinahayag ni Dr. Edgardo Ortiz, Dekano ng College of Medicine, ang kanyang pagmamalaki sa pagpasok ng unang batch ng mga nagnanais maging doktor, at binigyang-diin ang kahalagahan ng dedikasyon at katatagan sa kanilang paglalakbay.
Sinundan ito ng pahayag mula kay Dr. Feliciana Jacoba, University Vice President for Academic Affairs, na muling tiniyak na ang pangangalaga at malasakit sa mag-aaral ang nananatiling pangunahing layunin ng unibersidad.
Dumalo rin sa oryentasyon si Dr. Consuelo Estigoy, University Librarian, na nagbahagi ng mga pasilidad at mapagkukunan ng impormasyon sa aklatan na magagamit ng mga estudyante ng medisina.
Samantala, ipinresenta ni Dr. Teodora Luz Mangahas, Head ng Scholarship sa ilalim ng Office of Student Affairs Services (OSAS), ang mga benepisyo ng Republic Act No. 11509 o Doktor Para sa Bayan Act β isang programang naglalayong palakasin ang pagtatatag ng mga kolehiyo ng medisina sa bansa.
Nagtapos ang programa sa pangwakas na mensahe ni Dr. Margarita Belinda Gamilla, na naglalayong magbigay-inspirasyon sa pioneer batch na panatilihin ang kahusayan, integridad, at malasakit sa kanilang propesyon:
“Ngayong araw ang simula ng isang paglalakbay na susubok, huhubog, at magbabago sa inyo. Sa paglabas ninyo sa silid na ito, dalhin ninyo hindi lamang ang mga stethoscope at aklat, kundi pati ang inyong kuryosidad, tapang, at malasakit. Ang puting kasuotan ay maaaring simbolo lamang, ngunit ang puso sa likod nito ang siyang tunay na mahalaga.β
Ang pagbubukas ng Doctor of Medicine Program ng College of Medicine ay pormal na inaprubahan ng Commission on Higher Education (CHED) sa pamamagitan ng Commission en Banc (CEB) Resolution No. 386-2025 nitong Mayo 13, 2025 β isang hakbang na nagbubukas ng bagong yugto ng pagpapalawak ng akademikong saklaw ng NEUST.
#NEUSTGlobal
#NEUSTCOM
#NEUSTOrientation
#SDG4QualityEducation
#SDG8DecentWorkAndEconomicGrowth