NEUST, DEBESMSCAT, magkatuwang sa pagsasanay at pag-unlad ng kaguruan
MALATE, Manila — Nilagdaan ngayong araw ng Nueva Ecija University of Science and Technology (NEUST) at Dr. Emilio B. Espinosa Sr. Memorial State College of Agriculture and Technology (DEBESMSCAT) ang isang Memorandum of Agreement (MOA) na naglalayong higit pang paunlarin ang propesyonal na kakayahan at kasanayan ng mga guro mula sa parehong institusyon.
Lumagda sa nasabing kasunduan sina NEUST President Dr. Rhodora Jugo at DEBESMSCAT President Dr. Arnel Millesca, na sinaksihan din ni NEUST Vice President for Academic Affairs Dr. Feliciana Jacoba.
Layunin ng kasunduang ito na higit pang patibayin ang ugnayan sa pagitan ng dalawang institusyon para sa mas epektibong pagpapaunlad ng mga guro at kasanayang pang-akademiko at pagpapalalim ng espesyalisasyon.
Bilang isa sa mga nangungunang pamantasan sa larangan ng gradwadong edukasyon at pagsasanay, magiging katuwang ang NEUST sa pagpapaunlad ng kakayahan ng mga guro mula DEBESMSCAT sa pamamagitan ng pag-enrol at pagsasanay ng mga kwalipikadong guro sa mga gradwado at sertipikasyong programa ng Pamantasan, pati na rin sa pagbabahagi ng kaalaman at mga yaman pang-akademiko.
Inaasahang magdudulot ang pagtutulungang ito ng mas malawak na oportunidad para sa pagpapalago ng kakayahan ng mga guro at pagpapalakas ng ugnayan sa pagitan ng NEUST at DEBESMSCAT.
#SDG4QualityEducation #SDG17PartnershipsForTheGoals