NEUST, kinilala bilang CHED-SIKAP Delivering Institution

BACOLOR, PAMPANGA — Upang mabigyan ng tulong pinansiyal ang mga mag-aaral na nagnanais makapagtapos ng Graduate School, lumagda kahapon ang Nueva Ecija University of Science and Technology (NEUST) ng Memorandum of Agreement (MOA) katuwang ang Commission on Higher Education (CHED) Regional Office III sa Pampanga State University.

Sa ilalim ng kasunduan, itinalaga ang NEUST bilang Delivering Higher Education Institution (DHEI) sa ilalim ng Scholarships for Staff and Instructors’ Knowledge Advancement Program (SIKAP) para sa Taong Panuruan 2025-2026.

Pinangunahan nina Dr. Rhodora Jugo, Pangulo ng NEUST, at Dr. Lora Yusi, Regional Director IV ng CHEDRO3, ang paglagda sa MOA para sa mga sumusunod na programang iniaalok ng Pamantasan: Doctor of Philosophy in Business Administration, Doctor of Philosophy in Education Management, Doctor of Philosophy in Engineering Management, Doctor of Philosophy in Public Administration, Master of Business Administration, Master of Public Administration, Master of Engineering Management, at Master of Science in Information Technology Data Science Track.

Ayon pa sa kasunduan, pamamahalaan at susuportahan ng NEUST ang pagpapatupad ng SIKAP Grant, kabilang ang paghahanda ng mga aprubadong study plan at work at financial plans para sa mga magiging iskolar.

Layunin ng CHED-SIKAP program na tulungan ang mga kuwalipikadong guro at kawani na makapagtapos ng Master’s o Doctorate degree sa pamamagitan ng kumpletong scholarship coverage, buwanang allowance, at suporta sa pananaliksik.

Dumalo rin si Dr. Rolaida Sonza, SIKAP Grant Administrator ng NEUST, sa nasabing gawain.

#SDG4QualityEducation #SDG8DecentWorkAndEconomicGrowth #SDG17PartnershipsForTheGoals