MALATE, Manila — Upang isulong ang mataas na kalidad ng edukasyon sa Pamantasan, nakiisa ang Nueva Ecija University of Science and Technology (NEUST) sa kauna-unahang Presidents’ Summit na inorganisa ng Accrediting Agency of Chartered Colleges and Universities in the Philippines (AACCUP) Inc., dito sa Century Park Hotel, ngayong araw, Agosto 14, 2025.

Ayon kay Dr. Rhodora Jugo, Pangulo ng NEUST, ang pakikibahagi ng Pamantasan sa gawaing ito ay patunay sa layunin at pangako nitong patuloy na itaas ang antas ng quality assurance sa lahat ng aspeto ng operasyon ng Unibersidad kabilang ang pagtuturo at pananaliksik hanggang sa extension services at pamamahala ng mga programa.

“Layunin nating mas mapaunlad at maiayon sa makabagong pamantayan ang ating mga programa upang maging higit na handa at kompetitibo ang NEUST sa pandaigdigang larangan. Sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan at pagbabahagi ng kaalaman sa mga kapwa lider ng pampublikong unibersidad at kolehiyo, mas napapalawak natin ang ating pananaw at napapalalim ang ating kapasidad na maghatid ng de-kalidad na edukasyon na may kahalagahang sa bayan at buong mundo,” saad ng Pangulo.

Samantala, nanguna sa pagtitipon si Dr. Shirley Agrupis, Chairperson ng Commission on Higher Education (CHED), kung saan ipinaliwanag niya ang mga kasalukuyang inisyatiba ng institusyon upang harapin ang mga hamon na kinakaharap ng mas mataas na edukasyon sa Pilipinas.

Binigyang-diin din sa summit ang pagpapakilala at kontekstuwalisasyon ng bagong framework para sa quality assurance at accreditation kaugnay ng tema nitong “Quality Assurance and Accreditation: New Framework, New Directions in Higher Education.” Tinalakay rin ang presentasyon ng mga binagong AACCUP Standards and Instruments, kabilang ang Revised Teacher Education Standards and Instruments.

Bukod kay Pangulong Jugo, kasama rin sa delegasyon ng NEUST sina Dr. Feliciana Jacoba, Pangalawang Pangulo para sa Akademikong Ugnayan, at Dr. Joy Savellano, Direktor ng Internal Quality Assurance Office.

Magpapatuloy ang summit hanggang bukas, Agosto 15, 2025, kung saan tatalakayin ang hamon at inobasyon sa patuloy na pagbabago ng akreditasyon.

#SDG4QualityEducation
#SDG9IndustryInnovationInfrastructure
#SDG17PartnershipsForTheGoals