25th AUN-QA Training, daan ng NEUST sa ‘global competitiveness’
Upang mas lalo pang itaas ang kakayahan ng Nueva Ecija University of Science and Technology (NEUST) sa pandaigdigang antas, lumahok ang anim (6) na kinatawan ng Pamantasan sa 25th AUN-QA Training Course na ginanap sa Bangkok, Thailand mula Hulyo 21 hanggang Agosto 1, 2025.
Dumalo sa temang Accomplishing Programme Assessment (Version 4.0 Tier 1 Training) sina Dr. Angelo Santos, Local and International Accreditation Head; Dr. Nancy Joy Mangansat, Curriculum Development and Evaluation Director; Dr. Zuzette Catabona, College of Nursing Dean; at Dr. Khriz Fernandez, Internal Auditor. Kasabay nito, dinaluhan naman nina Dr. Analyn Gamit, Quality Assurance Office Director at Dr. Kim Edward Santos, ISO Internal Auditor, ang Self-Assessment Report (SAR) Writing Training.
Layunin ng pagsasanay na ito na palalimin ang kaalaman at kasanayan sa program assessment at quality assurance, upang higit pang mapahusay ang disenyo ng kurikulum, pamamaraan ng pagtuturo, at sistema ng suporta sa mga mag-aaral na mahahalagang hakbang para sa global competitiveness ng NEUST.
Tinalakay rin sa gawaing ito ang mga teknikal na aspeto ng pagsusulat ng SAR, na isang mahalagang dokumento sa pagsasagawa ng program assessment alinsunod sa pamantayang itinakda ng AUN-QA.
Bahagi rin ng kanilang pagpunta sa Thailand ang benchmarking activity sa Chulalongkorn University at Srinakharinwirot University kung saan tinalakay ang mga programa sa kurikulum, pasilidad, at mga inisyatibo kaugnay ng AUN-QA.
Isang estratehikong hakbang ang partisipasyon ng NEUST sa mga gawaing ito upang mapanatili ang global competitiveness ng mga programang pang-akademiko ng Pamantasan, at matiyak ang tuloy-tuloy na paghahatid ng dekalidad at makabuluhang edukasyon para sa mga mag-aaral.
#SDG4QualityEducation
#SDG12PartnershipsForTheGoals