BALITANG LATHALAIN |

Laban para sa Kalikasan:
NEUST bilang Luntiang Pamantasan

 

Malinis at luntiang kapaligiran.

Iyan ang layunin ng Nueva Ecija University of Science and Technology (NEUST) sa gitna ng patuloy na laban ng bansa sa lumalalang problema sa basura. Upang mas paigtingan ang pamamahala sa solid waste ng Pamantasan, itinayo ang University Materials Recovery Facility (MRF) alinsunod sa Ecological Solid Waste Management Act of 2000 o Republic Act 9003.

Ang Republic Act 9003 ay nagtatakda ng komprehensibong balangkas para sa pamamahala ng solid waste sa Pilipinas, na nagbibigay-diin sa wastong paghihiwalay ng basura, pagrerecycle, at pagbabawal sa open dumping.

Bilang isang institusyon, sinusunod ng NEUST ang nasabing batas sa pagkakaroon ng sariling MRF na nagsisilbing organisadong tambakan ng mga nakokolektang mga basura sa Pamantasan. Nakasalansan nang maayos ang mga bote ng softdrinks at tubig.Maingat naming nakatali ang mga papel ayon sa uri. Ang mga plastic, nakapaloob sa malalaking sako. Habang ang mga karton ay nakasalnsan nang pantay. Bunga ng masusing paghihiwalay at sistematikong pag-aasikaso ng Unibersidad, mas napapaigting ang pamamahala sa mga basura.

Ayon kay Dr. John Rey Quiñones, pinuno ng NEUST Environmental Compliance and Management Unit, mahalaga ang aktibong partisipasyon ng buong unibersidad sa tamang pamamahala ng basura upang mapangalagaan ang kalikasan at makalikha ng mas malinis na kapaligiran para sa lahat.

 

Pagsuport ng Pamantasan sa SDGs

Samantala, direktang tinutugunan ng NEUST MRF ang mga isyu sa pamamahala ng basura sa apat na Sustainable Development Goals: SDG 6, Clean Water and Sanitation; SDG 11, Sustainable Cities and Communities; SDG 12, Responsible Production and Consumption; at SDG 14, Life Below Water.

Sa ilalim ng SDG 6, Clean Water and Sanitation, isinusulong ng Pamantasan ang pagpapanatili ng malinis na tubig at maayos na sanitasyon sa pamamagitan ng pag-iwas sa polusyong dulot ng maling pagtatapon ng basura.

Kaalinsabay nito, naisasakatuparan naman ng NEUST ang SDG 11, Sustainable Cities and Communities, sa pamamagitan ng paglikha ng mas organisado at mas maayos na kapaligiran sa loob ng Unibersidad at sa mga komunidad na nakapaligid dito.

Sa pagtutok naman sa SDG 12, Responsible Production and Consumption, hinihikayat ng NEUST ang wastong paggamit ng mga materyales at ang pag-recycle upang mabawasan ang basura.

Kaakibat din nito ang SDG 14, Life Below Water, kung saan naglalayong maprotektahan ng NEUST ang mga yamang-dagat laban sa pinsalang dulot ng pagtatapon ng solid waste sa mga katubigan.

 

Pagpapalawig ng Aksiyong Pangkapaligiran

Lumagda naman noong Abril 3, 2024, sa isang Memorandum of Agreement (MOA) ang NEUST at ang Alalay sa Kaunlaran, Inc. (ASKI) Multipurpose Cooperative (AMPC) upang higit pang patatagin ang pagpapatupad ng RA 9003 at ang pagpapatibay ng SDGs 6, 11, 12, at 14.

Layon ng kasunduan na tugunan ang mga usapin sa solid waste management sa pamamagitan ng koleksyon, wastong paghihiwalay, imbakan, transportasyon, at mga kampanya sa kamalayan. Kabilang din dito ang pagbebenta at pagproseso ng recyclable waste mula sa MRF ng NEUST–Sumacab Campus ayon sa itinakdang presyo ng merkado.

Sa pamamagitan ng ganitong mga inisyatiba, ipinapakita ng NEUST ang patuloy nitong pangako sa sustainable waste management, pangangalaga sa kalikasan, at pagpapalakas ng kamalayan sa tamang pamamahala ng basura sa mga institusyong pang-edukasyon.

#SDG4QualityEducation #SDG11SustainableCities #SDG12ResponsibleConsumption #SDG13ClimateAction #SDG17PartnershipsForTheGoals