Target ng Nueva Ecija University of Science and Technology na mas palakasin ang good governance sa proseso ng procurement ng Pamantasan matapos magpulong ang mga tanggapan ng administratibo at pinansyal nitong Agosto 14, 2025.

Pinangunahan ng Internal Audit Services (IAS) at Procurement Office ang pagpupulong bilang bahagi ng Compliance and Management Audit sa Procurement Office, na naglalayong tiyakin na naaayon ang lahat ng pamimili sa umiiral na batas, patakaran, at pamantayan.

Layunin din nito na ipaliwanag ang saklaw, layunin, at pamamaraan ng isasagawang audit, gayundin upang mapatatag ang koordinasyon sa pagitan ng Internal Audit Services, Procurement Office, at iba pang mga tanggapan ng Pamantasan na may kinalaman sa proseso ng pamimili.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Atty. Bembol Castillo, Vice President for Business, Administration, and Finance at Chairman ng Bids and Awards Committee (BAC), ang tiyak na pagpapatuloy ng pamunuan sa pagbuo at pagpapatupad ng mga kinakailangang polisiya upang higit pang mapabuti ang bisa at kalidad ng mga serbisyong ibinibigay ng Pamantasan.

Kabilang sa mga dumalo sa pagpupulong ang ilang kinatawan mula sa opisina ng IAS, BAC, Procurement, Accounting, Cashier, Supply, Budget, at Finance ng NEUST.

Bahagi ang aktibidad na ito ng patuloy na pagsusumikap ng Pamantasan na itaas ang antas ng serbisyo publiko at tiyaking nakaugat ang bawat proseso sa prinsipyo ng good governance.

#SDG4QualityEducation
#SDG8DecentWorkAndEconomicGrowth