Ngayong Agosto 18, 2025, nakipagpulong online ang mga kinatawan ng Nueva Ecija University of Science and Technology (NEUST) College of Engineering (COE) sa Meralco PowerGen Corporation, ang power generation arm ng Manila Electric Company (Meralco) na nagpapatakbo ng mga planta ng kuryente gamit ang natural gas, coal, at renewable energy.
Layunin ng pagpupulong na ito na magkaroon ng pormal na ugnayan sa pagitan ng dalawang institusyon upang magbukas ng mga oportunidad para sa pagpapalawig ng kaalaman at kasanayan sa larangan ng elektrisidad at inhenyeriya.
Napag-usapan sa pagpupulong ang posibilidad ng pagbibigay ng mga seminar at training, ang pagkakataon para sa mga estudyante ng NEUST na makapagsanay sa ilalim ng Meralco Power Academy, at ang pagbubukas ng mga trabaho para sa mga graduates ng COE.
Sa kanyang panayam, ipinahayag ni Engr. Christopher Ladignon, ang Pinuno ng Regulatory And Performance Compliance Unit ng NEUST ang kahalagahan ng nasabing pakikipag-ugnayan:
“Alam natin na ang NEUST ay patuloy na lumalawak at nakikilala hindi lamang sa bansa kundi maging sa buong daigdig. Gayunpaman, hindi rin natin pinababayaan ang pagpapalakas ng ugnayan sa mga malalaking kumpanya sa loob ng ating bansa. Isang malaking oportunidad para sa ating pamantasan ang mapili ng Meralco PowerGen bilang kanilang katuwang na academic institution,β aniya.
Kasunod ng pagpupulong ay inaasahan ang pagbuo ng pormal na Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng NEUST COE at Meralco PowerGen Corporation sa mga darating na linggo.
Ang nasabing pulong ay dinaluhan ng mga guro mula sa College of Engineering sa pangunguna ni Engr. Jeric Aduna, ang dekano ng COE, at ng mga Talent Acquisition Managers ng Meralco na sina Jay-ar Paloma at Mia Rodriguez.
#NEUSTGLOBAL
#SDG7AffordableAndCleanEnergy
#SDG4QualityEducation
#SDG8DecentWorkAndEconomicGrowth
#SDG9IndustryInnovationAndInfrastructure
#SDG17PartnershipsForTheGoals