Kasaysayan para sa Nueva Ecija University of Science and Technology (NEUST) ang groundbreaking ceremony para sa konstruksyon ng bagong gusali ng College of Arts and Sciences (CAS) sa Sumacab Campus ngayong araw, Agosto 19, 2025.

Bubuuin ng limang palapag ang state-of-the-art building na layong magbigay ng karagdagang pasilidad para sa lumalaking bilang ng mga mag-aaral ng departamento.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni NEUST President Dr. Rhodora Jugo ang kahalagahan ng kolektibong pagkilos at pananaw sa paghubog ng makabagong edukasyon.

“Ang gusaling ito na magiging tahanan ng mga pangarap ay magsisilbing alaala at inspirasyon sa bawat isa sa atin, na walang imposible kung sama-sama nating itinataguyod ang isang mas maliwanag na kinabukasan,” aniya.

Tinatayang mgkakaroon ng higit sa dalawampung (20) silid-aralan, sampung (10) laboratoryo, at anim (6) na opisina para sa Research, Extension and Training, Accreditation, at Guidance Office ang bagong gusali na itinuturing na pinakamataas at pinakamalaking proyekto ng NEUST.

Dinisenyo ni Architect Clarence Dela Cruz ng Infrastructure Development Office ang tinaguriang ‘green building’ na may mga sumusunod na pasilidad: elevator, fire-proof facilities, water recycling system, solar energy usage, learning resources center, at student lounge.

Bawat palapag ng gusali ay magkakaroon ng common comfort room para sa lalaki, babae, gender-neutral, at Persons with Disabilities (PWD) bilang bahagi ng inklusibong disenyo nito.

Ang seremonya ay pinangunahan nina NEUST President Dr. Rhodora Jugo, Vice President for Administration, Business & Finance and Legal Officer Atty. Bembol Castillo, Vice President for Academic Affairs Dr. Feliciana Jacoba, CAS Dean Dr. Mario Abesamis, Building Maintenance and Office of the General and Auxiliary Services Director Engr. Sherwin Allado, at Infrastructure Development Office Director Engr. Allan Abenoja, kasama ang mga guro, kawani, at mag-aaral ng kolehiyo.

#NEUSTGLOBAL
#SDG4QualityEducation
#SDG5GenderEquality
#SDG7AffordableAndCleanEnergy
#SDG9IndustryInnovationInfrastructure