CLIEERDEC, bumuo ng 5 panukalang pananaliksik sa emerging technologies

Limang bagong panukala sa pananaliksik ang nabuo ng Central Luzon Industry, Energy, and Emerging Technology Research and Development Consortium (CLIEERDEC) sa kanilang tatlong araw na Research Proposal Ideation Session na ginanap sa Central Luzon State University (CLSU) at nagtapos ngayong Agosto 20, 2025.

Layunin ng aktibidad na pagbuklurin ang mga eksperto mula sa mga State Universities and Colleges (SUCs) sa Gitnang Luzon upang bumuo ng mga panimulang panukala na nakatuon sa mga larangan ng Nanotechnology, Smart Cities, Bioenergy, Natural Products, at Superconductor Technology.

Sinimulan ang sesyon ng mga lektura na pinangunahan nina Dr. Danila Paragas ng CLSU (Nanotechnology), Engr. Dennis Dela Cruz ng Bulacan State University (Smart Cities), Dr. Homer Genuino at Dr. Mari Rowena Tanquilut ng Pampanga State Agricultural University (Bioenergy), Rhanney Gonzales ng CLSU (Natural Products), at Dr. AlKing Gorospe ng Aurora State College of Technology (Superconductor).

Kabilang din sa mga presentasyon ang tungkol sa praktikal na aplikasyon ang mga talakay ni Devin Carl Sagun mula sa LGU Science City of Muñoz sa pagpapaunlad ng smart cities at ni Dr. Allen Esteban ng Nueva Ecija University of Science and Technology (NEUST) Graduate School sa paggamit ng Artificial Intelligence (AI) para sa siyentipikong pananaliksik.

Ang mga output ng palihan ay sinuri ng isang panel ng mga eksperto sa pamumuno ni Dr. Marilene Hipolito, Direktor ng CLIEERDEC, at ang mga draft proposal ay ieendorso sa Department of Science and Technology – Philippine Council for Industry, Energy and Emerging Technology Research and Development (DOST-PCIEERD) para sa potensyal na pagpopondo.

Kabilang sa mga kumatawan sa NEUST ay sina Dyanne Jane Duldulao at Anacel Dela Cruz, mga faculty member mula sa College of Arts and Sciences (CAS), na sumali sa mga pangkat ng Natural Products at Nanotechnology, ayon sa pagkakasunod; at si Dr. Marlon Torres, Direktor ng NEUST Management Information System, na lumahok sa pangkat ng Smart Cities.

Ang ideation session na inorganisa ng CLIEERDEC Research and Development Management Committee (RDMC) sa ilalim ng patnubay ni Dr. Rhodora Jugo, Pangulo ng NEUST at tagapangulo ng konsorsyum, ay naglalayon na hikayatin ang kolaboratibong pananaliksik na naaayon sa mga priyoridad sa pag-unlad ng rehiyon at ng bansa.

#NEUSTGLOBAL #CLIEERDEC #ResearchProposalIdeationSession #DOSTPCIEERD #SustainableDevelopmentGoals #SDG17PartnershipsForTheGoals