Sa gitna ng mga pagbabago sa sektor ng edukasyon, inilunsad ngayong araw, Agosto 20, 2025, ang kauna-unahang National Forum on Education and Transformational Leadership — isang inisyatibong naglalayong palakasin ang ugnayan ng pamumuno at edukasyon sa konteksto ng makabuluhang pagbabago at pagsulong ng mga layunin para sa sustainable development.
Ginanap ang forum sa pamamagitan ng Zoom, na dinaluhan ng higit 120 participants at participating agencies mula sa iba’t ibang institusyon sa loob at labas ng bansa.
Layunin nito na magbigay-kaalaman, magtaguyod ng kolaborasyon, at itampok ang mahalagang papel ng leadership sa pagsusulong ng makabagong edukasyon na nakatuon sa pag-unlad ng komunidad.
Sa temang “Trailblazers of Change: Inspiring Diverse Roles and a Shared Vision for Transformative Education”, tinalakay sa forum ang mga isyung may kinalaman sa pamumuno, pagtuturo, at serbisyong panlipunan bilang mga instrumento ng pagbabago sa loob at labas ng paaralan.
Kabilang sa mga tagapagsalita sina Jethro Jake Sampang, Assistant Professor at NSTP Coordinator ng Bataan Peninsula State University – Balanga Campus; Laarnie Padilla, Manpower Development Officer ng Department of Social Welfare and Development – Cabanatuan City; at Dr. John Mark Bondoc, Graduate School Dean ng Wesleyan University – Philippines.
Ayon kay NEUST President Dr. Rhodora Jugo, “Sa kabila ng mga hamon, patuloy nating ipinapakita na ang bawat proyekto, programa, at inisyatibo ay hindi lamang bunga ng sipag at talino, kundi patunay din ng ating pagkakaisa at malasakit para sa kinabukasan ng mag-aaral.”
Dagdag pa niya, “Ang iba’t ibang ambag natin ang bumubuo ng lakas ng ating kolektibong pangarap. Kapag niyakap natin ang ating papel nang may malasakit at layunin, nakagagawa tayo ng sistemang pang-edukasyon na hindi lamang mahusay kundi tunay na nakapagdudulot ng pagbabago.”
Kinilala rin ng Pangulo ang NEUST Gabaldon Campus sa pangunguna ni Dr. Franklin Dumayas bilang pangunahing tagapagtaguyod ng inisyatibong ito.
Tinalakay sa forum ang mga temang nakatuon sa kung paanong mapapalakas ang aktibong partisipasyon ng mga mag-aaral sa kanilang komunidad sa pamamagitan ng mga programa tulad ng NSTP; kung paano nagiging instrumento ang social work sa pagpapalakas ng komunidad sa kabila ng stigma at maling pananaw; at kung paano mailalampas ng edukasyon ang tradisyonal na paghahatid ng kaalaman upang maging mas makabuluhan para sa kabuuang pag-unlad ng lipunan.
Nagpaabot ng kanilang paghanga at suporta ang ilan sa mga lumahok sa forum, at inihayag na ang pagtitipong ito ay itinuturing na simula ng mas malawak, mas inklusibo, at mas matibay na pagkilos sa antas pambansa para sa makabagong edukasyon at pamumuno.
#NEUSTGLOBAL
#SDG4QualityEducation
#SDG10ReducedInequalities
#SDG16PeaceJusticeAndStrongInstitutions
#SDG17PartnershipsForTheGoals