Pormal na nilagdaan ng Nueva Ecija University of Science and Technology (NEUST) at ng Confucius Institute sa Bulacan State University (BulSU) ang kasunduan sa pang-akademiko at pangkultural na pakikipag-ugnayan sa pamamagitan ng isang Memorandum of Understanding (MOU) Signing Ceremony sa BulSU noong Agosto 19, 2025.

Pinangunahan nina Dr. Rhodora Jugo, Pangulo ng NEUST, at Dr. Teody San Andres, Pangulo ng BulSU, ang nasabing paglagda sa MOU.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Dr. Jugo ang kahalagahan ng edukasyon at palitang kultural bilang makapangyarihang instrumento ng pag-unlad at pagkakaunawaan.

β€œEducation and cultural exchange are among the most powerful instruments of progress. They open minds, bridge differences, and create opportunities that transcend borders,” aniya.

Ipinahayag din niya ang pangako ng NEUST na pagyayamanin ang pakikipagtulungan kasama ang BulSU at Confucius Institute upang isulong ang mas malalim na ugnayan sa kultura, pandaigdigang kolaborasyon, at mas maraming oportunidad para sa mga mag-aaral at guro sa buong mundo.

Binigyang-diin din niya na ang pagkatuto ng wikang Mandarin ay magbibigay sa mga mag-aaral at guro ng kakayahang makibagay at magtagumpay sa mas konektadong daigdig.

Kasama ni Pangulong Jugo bilang mga kinatawan ng NEUST sina Dr. Rommel Espejo, Direktor ng Instityut ng Lingguwistika at Literatura, Dr. Alfred Esteban Jr., Executive Secretary ng Tanggapan ng Pangulo ng Pamantasan, at Marites Geronimo, Tagapangulo ng Departamento ng English ng Instityut ng Lingguwistika at Literatura

Kabilang rin sa mga dumalo kasama ni Pangulong San Andres sina Dr. Ge Hongli, Direktor ng Confucius Institute, Dr. Eugene Mutuc, Direktor ng Internationalization Office, at Prop. Israel Saguinsin, Tagapangulo ng Global Partnership and Networks at Executive Assistant Filipino Director ng BulSU, bilang mga kinatawan ng BulSU-Confucius Institute.

Maliban sa paglagda ng MOU, nakibahagi rin ang delegasyon ng NEUST sa Welcome Ceremony para sa mga Bagong Chinese Volunteer Teachers, kung saan lumahok sina Dr. Suzette Domingo, Dr. Celso ResueΓ±o, Honey Grace Almazar, at Pauline Joy Tardaguila.

Matatandaang noong Pebrero ng kasalukuyang taon ay naganap ang inisyal na pag-uusap sa pagitan ng BulSU-Confucius Institute at NEUST, kasabay ng pagbisita ng mga kinatawan ng Confucius Institute sa Pamantasan.

Sumasalamin ang kasunduang ito sa patuloy na pagsusumikap ng NEUST tungo sa pagpapalakas ng internasyonal na ugnayan at pandaigdigang pakikilahok sa akademya.

#NEUSTGlobal
#SDG4QualityEducation
#SDG17PartnershipsForTheGoals