NEUST, mainit na sinalubong ang mga kinatawan mula sa Universitas PGRI Semarang (UPGRIS), Indonesia
“Indonesia and the Philippines have been friends for a long time. Even throughout history, we have always seen you as our brothers.”
Ito ang mensahe ni NEUST President Dr. Rhodora G. Jugo sa kanyang pagsalubong sa mga estudyante at guro mula sa Universitas PGRI Semarang (UPGRIS) College of Engineering and Informatics bilang mga kinatawan ng Faculty, Staff, and Student Exchange Program sa pagitan ng NEUST at UPGRIS noong Agosto 18, 2025.
Inilahad din ng Pangulo ang kahalagahan ng patuloy na internasyonal na kolaborasyon, lalo na sa larangan ng edukasyon, pananaliksik, at pagpapalitan ng kultura.
Dagdag pa ni Dr. Jugo, maliban sa pagkakapareho ng kultura at pisikal na katangian ng mga Pilipino at Indonesians, mahalaga ang aktibong ugnayan upang mapaunlad pa ang kalidad ng edukasyon sa NEUST.
Kasunod nito, nagsagawa ng welcome program ang NEUST College of Engineering (COE) para sa mga bisita noong Agosto 19, 2025 sa seminar hall ng kolehiyo, na dinaluhan ng mga lider ng Pamantasan kasama sina Dr. Jugo, Vice President for Academic Affairs Dr. Feliciana Jacoba, Vice President for Administration, Business and Finance Atty. Bembol Castillo, Vice President for Research, Extension, and Training Dr. Jean Guillasper, Office of International Affairs Director Atty. Eric Claudio, at COE Dean Engr. Jeric Aduna.
Kabilang sa mga kinatawan ng UPGRIS sina Muhammad Budi Haryono, Lintang Enggartiasto, Ir. Bambang Hadi Kurnayo, Anita Viana, Danu Setiyawan, Anas Asis Wediyarti, at Ghazy Tara Tsaqif.
Sila ay mananatili sa Pamantasan sa loob ng dalawampu’t pitong (27) araw, mula Agosto 18 hanggang Setyembre 12, 2025.
Noong Mayo 2025, nagpadala rin ang NEUST ng mga kinatawan sa UPGRIS bilang bahagi ng parehong exchange program.
Ang pormal na kasunduan sa pagitan ng NEUST at UPGRIS ay nagsimula noong 2022, na may layuning palawakin ang mga oportunidad para sa pagpapaunlad ng edukasyon, pananaliksik, at interkultural na ugnayan sa pagitan ng dalawang bansa.
#NEUSTGLOBAL
#NEUSTxUPGRIS
#SDG4QualityEducation
#SDG17PartnershipsForTheGoals
#SDG10ReducedInequalities
#SDG16PeaceJusticeAndStrongInstitutions