Ipinakita ng Nueva Ecija University of Science and Technology (NEUST) ang pamamahala nito sa larangan ng pananaliksik pangkalusugan sa pakikipagpulong sa mga delegado mula sa Center for Advanced Research and Innovation (CARI) ng Angeles University Foundation (AUF) Magnus H-Hub noong Agosto 22, 2025 na ginanap sa NEUST Sumacab Campus.
Layon ng pagpupulong na suriin ang kasalukuyang inisyatibo, imprastruktura at kakayahan ng NEUST sa pananaliksik pangkalusugan, makalap ang pananaw ng mga kinatawan ng unibersidad at tukuyin ang mga posibleng larangan ng pakikipagtulungan sa ilalim ng Regional Health Innovation Ecosystem.
Bahagi ng talakayan ang mga proyektong pinopondohan ng PCHRD, mga lokal na produktong bunga ng pananaliksik tulad ng Kape Ecija at Tomato Prunes, mga insentibo para sa mga guro at mananaliksik, mga umiiral na research centers, at mga plano para sa pagtatatag ng mga bagong sentro ng pananaliksik para sa natural products at iba pang larangan.
Nabanggit rin sa pagpupulong ang pangangailangan ng animal model facilities, Institutional Review Board at mas malawak na partisipasyon ng guro at mag-aaral sa health-focused research.
Nagbahagi naman ang AUF ng karanasan at proseso sa health research at clinical trials na maaaring maging gabay sa pagpapaunlad ng mga programa ng NEUST.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni NEUST President Dr. Rhodora Jugo ang kahalagahan ng patuloy na pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang institusyon para sa pagpapaunlad ng mga pananaliksik ukol sa kalusugan.
“With collaboration, in time, alam kong lalo pang uunlad at magpuprosper ang mga health-related efforts at research studies sa larangang ito,” aniya.
Dumalo mula sa NEUST kasama ni Dr. Jugo, sina Vice President for Research, Extension, and Training Dr. Jean Guillasper, Research Services Department Director Dr. Marilene Hipolito, Planning and Development Office Director Dr. Kenneth Armas, College of Medicine Dean Dr. Edgardo Ortiz, College of Nursing Dean Dr. Suzette Catabona, College of Arts and Sciences Dean Dr. Mario Abesamis, Innovation Management Office Head Dr. Edgelly Vitug at iba pang mga guro at kawani ng unibersidad.
Samantala, ang AUF-CARI ay kinatawan ng direktor nito na si Mona Lisa Lacson, kasama sina Project Staff I Justin Magdangal, Project Technical Assistant III Remel Neil Torres at Project Technical Aide V Juliene Angel Marie Moreno.
#NEUSTGLOBAL
#NEUSTIMO
#SDG2ZeroHunger
#SDG3GoodHealthAndWellBeing
#SDG4QualityEducation
#SDG9IndustryInnovationAndInfrastructure
#SDG17PartnershipsForTheGoals