Kauna-unahang recital ng NEUST Chorale, handog sa Kundiman
Bilang pagpupugay sa musikang kundiman, isinagawa ng Koro ng Pamantasan (NEUST Chorale) ang kauna-unahan nitong recital noong Agosto 7, 2025, sa Mini-Convention Center, NEUST Sumacab Campus.
Ipinamalas ng mga miyembro ng koro ang kanilang husay sa pamamagitan ng labing-pitong (17) natatanging bilang, na pawang nakasentro sa temang kundiman — isang mahalagang bahagi ng kulturang Pilipino at kasaysayan ng ating musika.
Sa kanyang mensahe, nagpahayag ng paghanga ang Pangulo ng Pamantasan na si Dr. Rhodora Jugo sa ipinakitang galing at dedikasyon ng mga miyembro ng koro.
“Binuhos po nila dito ang kanilang oras, ang kanilang talento, kaya ang Pamantasan ay patuloy na sumusuporta at susuporta sa paghubog ng mga talentong ito patungo sa mas malalaking entablado”, ani Dr. Jugo.
Ang recital ay bunga ng dalawang buwang paghahanda at pag-eensayo ng mga miyembro ng koro.
Bukod sa paghahanda para sa mga darating na patimpalak tulad ng Culture and the Arts Association of State Universities and Colleges Region III (CAASUC III), layunin din ng pagtatanghal na ito na makahikayat ng mga bagong miyembro sa nalalapit na pasukan.
Ayon kay Jose Mangahas, Jr., direktor ng NEUST-LCADC, layon ng recital na “ipamalas ang talento ng mga bata at ang kanilang kahandaan na lumahok sa mas malalaking kompetisyon.”
Dinaluhan ito ng mga kawani, mag-aaral, at mga mahal sa buhay ng mga kalahok.
#NEUSTGLOBAL
#NEUSTHimigPamana










