βAng kalayaan ay hindi lamang makikita sa mga bantayog ng mga bayani, aklat ng kasaysayan, o mga pagdiriwang tulad nito. Makikita natin ito sa mga ordinaryong taong araw-araw na pinipiling maging tapat at mabuti. Ikaw, ako, tayo, ang pinakamatibay na tagapagtanggol ng kalayaan.β
Sa kanyang talumpati para sa pagdiriwang ng NEUST para sa ika-128 Araw ng Kalayaan ng Pilipinas ngayong araw, inihayag ng Pangulo ng Pamantasan na si Dr. Rhodora Jugo ang mahalagang papel ng bawat mamamayan sa pangangalaga at pagpapatuloy ng kalayaang ipinaglaban ng mga bayani ng bansa.
Kasama ang mga guro at kawani ng Pamantasan, at sa pangunguna ng College of Criminology, katuwang ang National Service Training Program (NSTP) at Literary, Culture, and the Arts Development Center, isinagawa ang taunang programa bilang pakikiisa ng Pamantasan sa paggunita sa kasarinlan ng Pilipinas.
Nagsimula ang palatuntunan sa sabayang pag-awit ng Lupang Hinirang at pagbigkas ng Panunumpa sa Watawat ng Pilipinas.
Sa ikalawang bahagi ng programa, pinangunahan ni Dr. Jugo, kasama sina Atty. Bembol Castillo, Pangalawang Pangulo para sa Business, Administration, and Finance; Dr. Feliciana Jacoba, Pangalawang Pangulo para sa Academic Affairs; at ROTC Commandant Col. Isauro Palmaria, ang pagbibigay-pugay at pag-aalay ng bulaklak sa mga kinikilalang bayani ng kalayaan.
Binigyang-diin din ni Pangulong Jugo ang malalim na kahulugan ng temang βKalayaan, Kinabukasan, Kasaysayanβ sa pamamagitan ng angkop na pagsasabuhay ng mga katagang ito,
βAng tunay na hamon ng kalayaan ay ang gamitin ito nang may katapatan, integridad, at malasakit sa kapwa. Sapagkat kapag natutuhan nating gamitin nang tama ang ating kalayaan, mas mauunawaan natin ang halaga nito,β wika ng Pangulo.
Samantala, bilang pagbabalik-tanaw sa kasaysayan, inihayag ni Pangalawang Pangulong Jacoba kung paano nakamit ng bansa ang kalayaan at hinimok ang mga kawani na ipagpatuloy ang pagpapahalaga sa kasaysayan at pagpapanatili ng diwa ng pagiging makabayan sa pang-araw-araw na gawain at paglilingkod.
βAng paglalakbay patungo sa kalayaan ay puno ng hamon at sakripisyo. Hindi natin dapat kalimutan ang mga sakripisyo ng mga nagdaang henerasyon. Ibahagi natin sa mga kabataan ang tatak ng isang Pilipinoβmarunong maagpahalaga sa kasaysayan, marunong tumanaw ng utang na loob, may pagpapahalaga sa mga taong nagsumikap upang makamit natin kung ano ang mayroon tayo at kung nasaan tayo ngayon,β saad niya.
Sa pamamagitan ng pagdiriwang na ito, muling binigyang-diin ng Pamantasan ang kahalagahan ng pag-alala sa mga sakripisyo ng mga bayani at ang pananagutan ng bawat Pilipino na gamitin ang kalayaan nang may integridad, malasakit, at pagmamahal sa bayan.
#Ika128ArawNgKalayaan
#PhilippineIndependenceDay
#KalayaanKinabukasanKasaysayan










