
Pinasinayaan ng Nueva Ecija University of Science and Technology (NEUST) nitong Agosto 3, 2026 ang bagong itinayong Sewerage Treatment Plant (STP) sa Sumacab Campus, na may kakayahang magproseso ng hanggang 45 metro kubiko ng wastewater upang maging malinis, ligtas, at muling magagamit na tubig bawat araw.
Itinayo ang STP upang gamutin ang wastewater mula sa mga sewer line, septic tank at tubig-ulan sa loob ng Pamantasan bago ito muling gamitin o ligtas na pamahalaan.
Gagamitin ng NEUST ang naprosesong tubig para sa paghuhugas, pambuhos sa mga palikuran, at iba pang gawain, maliban sa paggamit nito bilang inuming tubig.
“Ipinapakita ng ating Pamantasan na ang tunay na pag-unlad ay hindi lamang nakikita sa mga bagong gusali, kundi sa mga sistemang nagpoprotekta sa kalikasan at nagsisiguro ng isang mas ligtas at napapanatiling kinabukasan,” pahayag ni Dr. Rhodora Jugo, pangulo ng NEUST.
Ayon kay Dr. Jugo, magsisilbi rin ang pasilidad bilang aktuwal na laboratoryo kung saan maiuugnay ng mga mag-aaral sa BS Environmental Science at sa mga programang pang-inhinyeriya ang kanilang mga natutunan sa praktikal na pamamahala ng wastewater at sa pangangalaga sa kapaligiran.
Binigyang-diin naman ni Atty. Bembol Castillo, SUC Vice President III, na makatutulong ang pasilidad sa pagtugon ng Pamantasan sa mga umiiral na pamantayan at kinakailangan para sa wastong pangangasiwa at paggamot ng wastewater.
Pinangunahan ni Rev. Fr. William Villaviza ang pagbabasbas sa bagong itinayong pasilidad bilang bahagi ng seremonya ng pagpapasinaya.
Tinalakay nila Engr. Engr. June Solitario at Engr. Benedict Jumig ng Niña’s Construction Corporation ang kabuuang operasyon ng pasilidad upang maipaliwanag ang proseso ng paggamot, pagre-recycle at muling paggamit ng tubig sa Pamantasan.
Gumagamit ang pasilidad ng tatlong-yugtong proseso at Human-Machine Interface (HMI) na nagbibigay-daan sa awtomatikong operasyon at mas madaling pagsubaybay at pagkontrol sa sistema.
Ayon kay Engr. Allan Abenoja, direktor ng Infrastructure Development Office, ang proyekto ay patunay ng patuloy na pagtutok ng NEUST sa kalusugan, kapaligiran at kaligtasan ng komunidad sa pamamagitan ng wastong paggamot sa wastewater bago ito muling gamitin o ilabas.
Dumalo rin sa pagbabasbas at pagpapasinaya sina Dr. Kenneth Armas, direktor ng Planning and Development Office; Dr. Arnold Dela Cruz, direktor ng Sumacab Campus; Engr. Nathaniel Oliveros, pinuno ng Metals and Engineering Innovation Center; Engr. Sherwin Allado, direktor ng Building Maintenance, Auxiliary, and General Services; at Dr. John Rey Quiñones, pinuno ng Center for Environmental Research at Pollution Control Officer.
Sinimulan ang konstruksyon ng proyekto noong Oktubre 2025 at natapos makalipas ang 210 araw.
Sa kasalukuyan, ang NEUST ang nag-iisang institusyong pang-akademiko sa Nueva Ecija na may ganitong uri ng pasilidad.
Sa pagbubukas ng bagong pasilidad, pinalawak ng NEUST ang mga hakbang nito sa responsableng pamamahala ng wastewater, muling paggamit ng tubig, pangangalaga sa kapaligiran, at praktikal na pagkatuto ng mga mag-aaral.
#NEUSTGLOBAL #NEUSTSewerageTreatmentPlant #SDG3GoodHealthAndWellBeing #SDG4QualityEducation #SDG6CleanWaterAndSanitation #SDG9IndustryInnovationAndInfrastructure #SDG11SustainableCitiesAndCommunities #SDG12ResponsibleConsumptionAndProduction #SDG17PartnershipsForTheGoals









