
Nagsagawa ang Nueva Ecija University of Science and Technology (NEUST) ng isang buong-araw na training-workshop sa paggamit ng AI-powered Learning Management System (LMS) para sa mga piling guro nitong Agosto 4, 2026, sa Mini Convention Center ng Sumacab Campus bilang paghahanda sa mas malawak na pagpapatupad ng digital na pagkatuto sa Pamantasan.
Nakatuon ang pagsasanay sa paglilipat ng kaalaman at mga kagamitang panturo sa isang digital na plataporma upang maging mas simple at organisado ang pagbuo ng mga online na kurso at materyales para sa mga mag-aaral.
Binigyang-diin ni University President Dr. Rhodora Jugo na hindi layunin ng teknolohiya na palitan ang mga guro, kundi palawakin ang kanilang kakayahang tumugon sa mga pangangailangan ng mga mag-aaral.
“Huwag nating tingnan ang teknolohiyang ito bilang pamalit sa mga guro sapagkat kailanman ay hindi mapapalitan ang mga guro. Ang teknolohiya ay nagpapalawak ng mga posibilidad at tumutulong sa atin na higit na tumugon sa pinakamahalaga, ang paghubog sa kaisipan at karakter ng ating mga mag-aaral,” ani Dr. Jugo.
Ayon kay Dr. Marlon Torres, direktor ng Management Information System (MIS) at technical lead ng LMS, layunin ng pagsasanay na maturuan ang mga guro sa paggamit ng sistema at sa pag-angkop ng kanilang mga materyales upang maging mas simple at madaling maunawaan sa mga asynchronous na klase.
Pinangunahan ng NEUST MIS Office ang training-workshop sa tulong nina Charina Ubarra at Geraldine Tan ng GMST Inc. at apat pang miyembro ng kanilang pangkat.
Tinalakay sa pagsasanay ang pag-navigate at paggamit ng LMS, mga pangunahing pamamaraan sa pagbuo ng digital na nilalaman, at paglikha ng mga e-learning course sa pamamagitan ng sistema.
Layunin ng mga paksang ito na mabigyan ang mga guro ng praktikal na kasanayan sa pagdidisenyo ng organisado at interaktibong mga aralin, pagpapadali sa pag-access ng mga mag-aaral sa mga kagamitang panturo, at mas maayos na pagsubaybay sa kanilang pagkatuto.
Lumahok sa pagsasanay ang mga piling guro mula sa Graduate School, College of Medicine, College of Education, College of Agriculture, College of Management and Business Technology, at College of Industrial Technology.
Nagtapos ang gawain sa presentasyon ng mga output ng mga piling kalahok, na sinundan ng mga pagsusuri, puna, at mungkahi mula sa mga tagapagsanay upang higit pang mapahusay ang kanilang ginawang e-learning courses.
Ayon kay Dr. Jugo, unang pangkat pa lamang ito ng mga gurong sumailalim sa pagsasanay at magpapatuloy ang NEUST sa pagsasagawa nito hanggang sa mabigyan ng sapat na kaalaman at kasanayan ang lahat ng guro, gayundin ng mga LMS account ang mga guro at mag-aaral.
Bahagi rin ang pagsasanay ng paghahanda ng Pamantasan para sa planong pag-aalok ng mga microcredential at pagpapatupad ng Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program (ETEEAP).
Sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng LMS, layunin ng NEUST na tulungan ang mga guro na makapaghatid ng mas organisado, angkop at madaling ma-access na mga aralin habang binibigyan ang mga mag-aaral ng mas malawak at maginhawang paraan upang matuto sa loob at labas ng silid-aralan.
#NEUSTGLOBAL #NEUSTLMS #SDG4QualityEducation #SDG9IndustryInnovationAndInfrastructure #SDG17PartnershipsForTheGoals









