Pormal na pinagtibay ng Nueva Ecija University of Science and Technology (NEUST) at ng Local Government Unit (LGU) ng Nampicuan ang kanilang ugnayan sa pamamagitan ng Deed of Donation and Memorandum of Agreement (MOA) Signing Ceremony na may temang βWhere Unity Builds Opportunity: A New Home for Learning Begins,β na ginanap ngayong Agosto 6, 2026 sa Nampicuan Municipal Hall, Nampicuan, Nueva Ecija.
Layunin ng seremonya na gawing pormal ang donasyon ng lupang ipinagkaloob ng LGU ng Nampicuan sa NEUST bilang suporta sa patuloy na pagpapalawak ng unibersidad at sa adhikain nitong makapaghatid ng dekalidad at madaling maabot na mataas na edukasyon sa bayan. Kasabay nito, nilagdaan din ang Memorandum of Agreement para sa pagkakaloob ng libreng serbisyong medikal, nursing, at dental sa mga mag-aaral at kawani ng magiging NEUST Nampicuan Campus Clinic sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa Municipal Rural Health Unit.
Dumalo sa seremonya sina University President Dr. Rhodora Jugo; Vice President for Academic Affairs Dr. Feliciana Jacoba; Vice President for Administration, Business, and Finance Atty. Bembol Castillo; Nampicuan Campus Director Dr. Marlon Rufino; College of Information and Communications Technology Dean Dr. Ronald Santos; MRSUP Director Dr. Elenita Paet; Executive Secretary Dr. Alfredo Esteban Jr.; Infrastructure Development Office Director Engr. Allan Abenoja Jr.; BSIT Nampicuan Program Chair Dr. Chris Norman Olipas; kasama ang mga opisyal ng Local Government Unit ng Nampicuan at mga kinatawan mula sa Tanggapan ng Unang Distrito ng Nueva Ecija.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni University President Dr. Rhodora Jugo ang patuloy na paninindigan ng NEUST sa pagtataguyod ng pagkakaisa at sama-samang pag-unlad ng mga komunidad.
βAng Nueva Ecija University of Science and Technology ay naniniwala na ang tunay at pangmatagalang pag-unlad ay nakaugat sa pagkakaisa, malasakit, at sama-samang pagkilos. Sa ilalim ng NEUST GLOBAL framework, isa sa aming mga pangunahing adhikain ang Bridging Communities. Layunin nitong paglapitin ang mga institusyon, organisasyon, at mamamayan upang magbuklod sa iisang hangarin na makapaghatid ng mas malawak na oportunidad at mas makabuluhang paglilingkod. Ang paglagda sa Deed of Donation ngayong araw ay isang kongkretong patunay ng adhikaing ito.β
Samantala, binigyang-halaga ni Municipal Mayor Hon. Mario Lacurom ang kahalagahan ng pakikipagtuwang ng NEUST at ng pamahalaang lokal sa pagpapalawak ng akses sa edukasyon sa bayan.
βAng proyektong ito ay hindi lamang paglalaan ng lupa, kundi isang pamumuhunan para sa kinabukasan ng ating mga kabataan. Sa panahong patuloy na tumataas ang gastusin sa edukasyon, pamumuhay, at iba pang pangangailangan ng bawat pamilya, ang pagkakaroon ng NEUST campus sa ating bayan ay magbibigay ng mas malapit, dekalidad, at abot-kayang edukasyon.β
Sa mensahe naman ni Hon. Ronan Justo, Chief of Staff na kumatawan kay First District Representative Congresswoman Mikaela Angela Suansing, ipinahayag niya ang patuloy na suporta ng kinatawan sa pagpapalawak ng akses sa mataas na edukasyon. Kinilala rin niya ang pagkakatatag ng NEUST Nampicuan Campus bilang bunga ng sama-samang pagtutulungan ng mga katuwang na institusyon upang makapagbigay ng mas maraming oportunidad sa mga kabataan ng Nampicuan at ng buong Lalawigan ng Nueva Ecija.
Isa sa mga tampok ng programa ang Deed of Donation at MOA Signing and Awarding Ceremony, kung saan pormal na nilagdaan ni NEUST University President Dr. Rhodora Jugo ang mga kasunduan para sa unibersidad kasama sina Municipal Mayor Hon. Mario Lacurom; Nampicuan Campus Director Dr. Marlon Rufino; Infrastructure Development Office Director Engr. Allan Abenoja Jr.; Municipal Planning and Development Coordinator Salvador De Guzman Jr.; at Municipal Administrator Hon. Franklin Macarayo. Ang paglagda ay nagsilbing hudyat ng opisyal na paglilipat ng ipinagkaloob na lupain sa NEUST at lalo pang nagpatibay sa ugnayan ng unibersidad at ng Pamahalaang Bayan ng Nampicuan.
Sa kanyang pangwakas na mensahe, nagpasalamat si Vice President for Academic Affairs Dr. Feliciana Jacoba sa Local Government Unit ng Nampicuan at sa lahat ng mga katuwang sa matagumpay na pagsasakatuparan ng programa. Binigyang-diin din niya na ang kasunduang ito ay sumasalamin sa iisang layunin na higit pang mailapit ang dekalidad na mataas na edukasyon sa mga komunidad at sa mga susunod na henerasyon ng mga mag-aaral.
Ang matagumpay na paglagda sa Deed of Donation at Memorandum of Agreement ay isa na namang mahalagang yugto sa patuloy na pagpapalawak ng Nueva Ecija University of Science and Technology. Higit pa rito, pinagtitibay nito ang pangako ng unibersidad na ilapit ang dekalidad na edukasyon sa mga pamayanan at palakasin ang mga ugnayang nagsusulong ng inklusibo at napapanatiling kaunlaran sa buong Lalawigan ng Nueva Ecija.
#NEUSTGLOBAL
#SDG4QualityEducation
#SDG11SustainableCitiesAndCommunities
#SDG17PartnershipsForTheGoals










