Isinagawa ng Nueva Ecija University of Science and Technology (NEUST) ang tatlong araw na “Strategic Intellectual Property Management Training: IP Valuation, Commercialization, and Technology Transfer” noong Agosto 4–6, 2026, sa Mini Convention Center, Sumacab Campus.

Pinangunahan ang pagsasanay ng Innovation Management Office (IMO), katuwang ang Training Services Department sa ilalim ng Office of the Vice President for Research, Extension, and Training (OVPRET), at mga tagapagsanay mula sa Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL).

Sa pagbubukas ng pagsasanay, binigyang-diin ni NEUST President Dr. Rhodora Jugo ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos upang higit na mapakinabangan ang yamang isip at mga resulta ng pananaliksik ng Pamantasan.

“Isang makasaysayang pagkakataon ito upang magkakasama tayong gumawa ng isang napakahalagang hakbang hindi lamang sa Pamantasan kundi para sa komunidad na ating pinaglilingkuran,” pahayag ni Dr. Jugo.

Ayon sa Pangulo, maaaring maging daan ang mahusay na pamamahala ng yamang isip upang maiugnay ang mga ideya ng mga mag-aaral, proyekto ng mga guro, at resulta ng pananaliksik sa paglikha ng trabaho, negosyo, at iba pang oportunidad para sa Pamantasan, komunidad, rehiyon, at bansa.

Tinalakay sa pagsasanay ang mahahalagang proseso sa pamamahala ng yamang isip, kabilang ang IP portfolio management, technology readiness assessment, IP valuation, technology transfer, at licensing. Lumahok dito ang mga gurong mananaliksik, tagapagpaunlad ng inobasyon, imbentor, at mga pinuno ng proyekto mula sa iba’t ibang departamento at tanggapan ng NEUST.

Sa kanyang pambungad na mensahe, binigyang-diin ni Sumacab Campus Director Dr. Arnold Dela Cruz ang pananagutan ng mga institusyong pang-edukasyon na tiyaking ang kaalamang nalilikha sa loob ng pamantasan ay hindi lamang nananatili sa mga papel-pananaliksik kundi naisasalin sa mga praktikal na solusyong napakikinabangan ng lipunan.

Samantala, binigyang-diin ni G. Adrian Sablan ng IPOPHL na ang tunay na halaga ng teknolohiya ay nasusukat sa kakayahan nitong tumugon sa mga suliraning kinakaharap ng lipunan.

“It has always been technology transfer, creating technology solutions that will solve problems of society that will better the lives of people,” pahayag ni Sablan.

Dagdag pa niya, mahalagang maipakita ng isang pamantasan ang konkretong epekto ng mga teknolohiyang nalilikha nito at ang pagbabagong naidudulot ng mga ito sa mga komunidad na pinaglilingkuran.

Katuwang ni Sablan sa pagsasanay sina G. Aldrex Aviso at G. Michael Viccil Junsay ng IPOPHL, na nagbahagi rin ng kanilang kaalaman at kadalubhasaan sa iba’t ibang aspeto ng pamamahala ng yamang isip at paglilipat ng teknolohiya.

Kaugnay ang pagsasanay sa Research, Innovation, and Extension (RIE) Management and Enhancement Workshop na isinagawa noong Hunyo 29, 2026, sa Nieto Hall, Sumacab Campus. Bahagi ito ng mga hakbang tungo sa pagbuo ng RIE Manual of Operations, na naglalayong mapahusay at mapagtibay ang mga proseso at sistema ng Pamantasan sa pananaliksik, inobasyon, at extension.

Isinagawa rin ang pagsasanay kasunod ng pagkamit ng NEUST ng Platinum Award sa 2026 ITSO President’s Summit and General Assembly noong Marso 2026, bilang pagkilala sa mga inisyatiba at programa ng Pamantasan sa pagpapaunlad ng yamang isip at paglilipat ng teknolohiya.

Sa pamamagitan ng mga programang ito, patuloy na pinagtitibay ng NEUST ang mga sistema at mekanismong sumusuporta sa paglikha, pangangalaga, pagpapahalaga, at paggamit ng yamang isip at mga resulta ng pananaliksik at inobasyon—tungo sa mas malawak na pakinabang para sa Pamantasan at sa mga komunidad na pinaglilingkuran nito.

#NEUSTGLOBAL
#SDG4QualityEducation
#SDG8DecentWorkAndEconomicGrowth
#SDG9IndustryInnovationAndInfrastructure