Pormal na tinanggap ng Central Luzon Industry, Energy, and Emerging Technology Research and Development Consortium (CLIEERDEC) ang Manuel V. Gallego Foundation Colleges, Inc. (MVGFCI) bilang pinakabagong kasaping institusyon nito.

Kasabay nito, pinagtibay ng konsorsiyum ang isang ₱50-milyong programang agrivoltaic at ilang panukalang pananaliksik sa unang Governing Council Meeting nito para sa 2026, na idinaos noong Agosto 5 sa Lungsod ng Cabanatuan.

Nagsilbing punong-abala ang MVGFCI sa pulong na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa mga kasaping institusyon at panrehiyong ahensiya ng konsorsiyum.

Sa kaniyang panimulang mensahe, binigyang-diin ni Dr. Rhodora Jugo, tagapangulo ng CLIEERDEC at pangulo ng Nueva Ecija University of Science and Technology (NEUST), na ang kabuluhan ng mga gawain ng konsorsiyum ay nakasalalay sa aktuwal na pakinabang ng mga ito sa mga komunidad.

“Ang tagumpay ay hindi nasusukat sa dami ng mga pulong o panukalang naisumite, kundi sa dami ng mga buhay na nababago natin sa pamamagitan ng mga proyektong sama-sama nating naisakatuparan,” ani Dr. Jugo.

Samantala, inihayag ng katuwang na tagapangulo ng CLIEERDEC at direktor ng Department of Science and Technology (DOST) Central Luzon na si Dr. Julius Caesar Sicat ang pangangailangang iugnay ang pananaliksik sa mga suliraning pang-industriya at lipunan upang maging instrumento ito ng pagbabago sa rehiyon.

“𝐿𝑒𝑎𝑑𝑒𝑟𝑠ℎ𝑖𝑝 𝑖𝑛 𝑟𝑒𝑠𝑒𝑎𝑟𝑐ℎ 𝑖𝑠 𝑛𝑜 𝑙𝑜𝑛𝑔𝑒𝑟 𝑚𝑒𝑎𝑠𝑢𝑟𝑒𝑑 𝑏𝑦 𝑡ℎ𝑒 𝑛𝑢𝑚𝑏𝑒𝑟 𝑜𝑓 𝑠𝑡𝑢𝑑𝑖𝑒𝑠 𝑐𝑜𝑚𝑝𝑙𝑒𝑡𝑒𝑑; 𝑖𝑡 𝑖𝑠 𝑚𝑒𝑎𝑠𝑢𝑟𝑒𝑑 𝑏𝑦 𝑡ℎ𝑒 𝑙𝑖𝑣𝑒𝑠 𝑖𝑚𝑝𝑟𝑜𝑣𝑒𝑑, 𝑏𝑦 𝑡ℎ𝑒 𝑖𝑛𝑑𝑢𝑠𝑡𝑟𝑖𝑒𝑠 𝑡𝑟𝑎𝑛𝑠𝑓𝑜𝑟𝑚𝑒𝑑, 𝑏𝑦 𝑡ℎ𝑒 𝑡𝑒𝑐ℎ𝑛𝑜𝑙𝑜𝑔𝑖𝑒𝑠 𝑐𝑜𝑚𝑚𝑒𝑟𝑐𝑖𝑎𝑙𝑖𝑧𝑒𝑑, 𝑏𝑦 𝑡ℎ𝑒 𝑠𝑡𝑎𝑟𝑡-𝑢𝑝𝑠 𝑐𝑟𝑒𝑎𝑡𝑒𝑑, 𝑏𝑦 𝑡ℎ𝑒 𝑖𝑛𝑣𝑒𝑠𝑡𝑚𝑒𝑛𝑡𝑠 𝑎𝑡𝑡𝑟𝑎𝑐𝑡𝑒𝑑, 𝑏𝑦 𝑡ℎ𝑒 𝑐𝑜𝑚𝑚𝑢𝑛𝑖𝑡𝑖𝑒𝑠 𝑒𝑚𝑝𝑜𝑤𝑒𝑟𝑒𝑑, 𝑎𝑛𝑑 𝑢𝑙𝑡𝑖𝑚𝑎𝑡𝑒𝑙𝑦 𝑏𝑦 𝑡ℎ𝑒 𝑐𝑜𝑛𝑡𝑟𝑖𝑏𝑢𝑡𝑖𝑜𝑛 𝑜𝑓 𝑠𝑐𝑖𝑒𝑛𝑐𝑒, 𝑡𝑒𝑐ℎ𝑛𝑜𝑙𝑜𝑔𝑦, 𝑎𝑛𝑑 𝑖𝑛𝑛𝑜𝑣𝑎𝑡𝑖𝑜𝑛 𝑡𝑜 𝑖𝑛𝑐𝑙𝑢𝑠𝑖𝑣𝑒 𝑎𝑛𝑑 𝑠𝑢𝑠𝑡𝑎𝑖𝑛𝑎𝑏𝑙𝑒 𝑑𝑒𝑣𝑒𝑙𝑜𝑝𝑚𝑒𝑛𝑡,” pahayag ni Dr. Sicat.

Ayon kay Dr. Sicat, mahalaga ang pagtutulungan ng pamahalaan, mga pamantasan, industriya, mamumuhunan, mga startup, lokal na pamahalaan, at mga komunidad upang maisalin ang mga resulta ng pananaliksik sa mga teknolohiya at solusyong may nasusukat na pakinabang sa ekonomiya at lipunan.

Sa pormal na bahagi ng pulong, inilahad ng direktor ng CLIEERDEC na si Dr. Marilene Hipolito ang kalagayan ng operasyon ng konsorsiyum at ang mahahalagang gawain at tagumpay nito sa unang kalahati ng 2026.

Pinagtibay ng konseho ang apat na panukalang pananaliksik mula sa DOST Central Luzon, Pampanga State Agricultural University (PSAU), Bataan Peninsula State University (BPSU), at Nueva Ecija University of Science and Technology (NEUST), na nauna nang inendorso sa pamamagitan ng reperendum.

Kinumpirma rin ng konseho ang panukalang programang “𝐴𝑑𝑣𝑎𝑛𝑐𝑖𝑛𝑔 𝑅𝑒𝑛𝑒𝑤𝑎𝑏𝑙𝑒 𝐸𝑛𝑒𝑟𝑔𝑦 𝑡ℎ𝑟𝑜𝑢𝑔ℎ 𝐴𝑔𝑟𝑖𝑣𝑜𝑙𝑡𝑎𝑖𝑐 𝑆𝑦𝑠𝑡𝑒𝑚𝑠: 𝐴 𝐶𝑜𝑙𝑙𝑎𝑏𝑜𝑟𝑎𝑡𝑖𝑣𝑒 𝐼𝑛𝑖𝑡𝑖𝑎𝑡𝑖𝑣𝑒 𝑓𝑜𝑟 𝑆𝑢𝑠𝑡𝑎𝑖𝑛𝑎𝑏𝑙𝑒 𝐸𝑛𝑒𝑟𝑔𝑦 𝐺𝑒𝑛𝑒𝑟𝑎𝑡𝑖𝑜𝑛 𝑖𝑛 𝐶𝑒𝑛𝑡𝑟𝑎𝑙 𝐿𝑢𝑧𝑜𝑛,” na binubuo ng 10 proyekto mula sa mga kasaping institusyon at may kabuuang pondong ₱50 milyon.

Inendorso rin ng konseho ang 13 panukalang nabuo mula sa naunang isinagawang writeshop, kabilang ang mga panukala mula sa Aurora State College of Technology (ASCOT), Bulacan State University (BulSU), Central Luzon State University (CLSU), Pampanga State Agricultural University (PSAU), Pampanga State University (PSU), Tarlac Agricultural University (TAU), President Ramon Magsaysay State University (PRMSU), NEUST, at MVGFCI.

Kinilala rin ni Dr. Jugo ang mga hakbang na isinagawa ng ASCOT at TAU kaugnay ng Institutional Research Readiness Level Assessment (IRRLA), isang pagtatayang sumusukat sa antas ng kahandaan at kakayahan ng isang institusyon na magsagawa ng pananaliksik at pagpapaunlad, at hinikayat ang iba pang kasaping institusyong pang-edukasyon na sumailalim din dito.

Hinikayat din ni Dr. Jugo ang mga kasaping institusyon na suportahan at aktibong lumahok sa mga pagsasanay, seminar, forum, at iba pang gawaing isinasagawa ng konsorsiyum at ng mga miyembro nito.

Tinalakay din sa pulong ang mga usapin hinggil sa kasapian at ang mga nakatakdang gawain ng konsorsiyum sa susunod na anim na buwan, kabilang ang online Basic Intellectual Property Seminar sa Agosto 20 at ang 2026 PCIEERD National Consortia Conference and General Assembly Meeting sa Agosto 26 at 27 sa Iloilo City.

Bago matapos ang pulong, tinanggap ng Tarlac State University ang tungkulin bilang punong-abala sa ikalawang Governing Council Meeting ng CLIEERDEC, na nakatakdang idaos sa Disyembre 2026.

Pagkatapos ng pulong, lumagda ang CLIEERDEC at MVGFCI sa isang Memorandum of Agreement upang pormalisahin ang pagkakasapi ng MVGFCI at higit pang patatagin ang pakikipagtulungan nito sa konsorsiyum.

“Bilang bagong kasapi ng CLIEERDEC, nangangako ang MVGFCI na aktibong makikilahok sa mga programa, proyekto, at gawain ng konsorsiyum, palalakasin ang kultura ng pananaliksik, at makikipagtulungan sa pagsusulong ng pananaliksik na may makabuluhang ambag sa Gitnang Luzon at sa bansa,” pahayag ng pangulo ng MVGFCI na si Dr. Joseph Gallego.

Sa pormal na pagkakasapi ng MVGFCI, binubuo na ngayon ang CLIEERDEC ng 24 na institusyon at panrehiyong ahensiyang nagtutulungan upang maisulong ang pananaliksik, teknolohiya, at inobasyong tumutugon sa mga pangangailangan ng industriya at mga komunidad sa Gitnang Luzon.

#NEUSTGLOBAL #CLIEERDEC #SDG4QualityEducation #SDG9IndustryInnovationAndInfrastructure #SDG11SustainableCitiesAndCommunities #SDG16PeaceJusticeAndStrongInstitutions #SDG17PartnershipsForTheGoals