Pinalakas ng Nueva Ecija University of Science and Technology (NEUST) ang pagsusulong nito ng internasyonal na kooperasyon, pagpapalitan ng kultura, at ugnayang akademiko sa pagdiriwang ng ASEAN 2026 noong Agosto 13 sa Closed Gymnasium ng Sumacab Campus. Dinaluhan ang programa ng mga opisyal, guro, kawani, mag-aaral, at mga panauhing internasyonal mula sa ibaβt ibang bansa.
Pagkakaisa sa Gitna ng Pagkakaiba-iba
Isinagawa ang pagdiriwang sa temang βASEAN RHYTHMS: United in Vision, Celebrated in Harmony,β kalakip ang mensaheng βFrom Many Roots, One Melody Grows; Together We Move, Together We Glow,β na sumasalamin sa pagkakaisa ng mga bansang ASEAN sa kabila ng pagkakaiba-iba ng kanilang kultura, tradisyon, at kasaysayan.
Nakibahagi sa pagdiriwang ang mga guro at mag-aaral mula sa Sunchon National University (SCNU) ng South Korea at Universitas Negeri Semarang (UNNES) ng Indonesia na kalahok sa mga programang internasyonal na palitan ng NEUST. Dumalo rin ang mga mag-aaral na Tsino ng NEUST Graduate School.
Sinimulan ang programa sa seremonyal na pagpasok ng mga kumakatawan sa mga pinuno ng ASEAN, mga sagisag ng pagkakaisa, mga watawat ng mga bansang kasapi, internasyonal na mag-aaral, opisyal ng NEUST, at mga panauhing mula sa ibang bansa.
Sa kanyang pambungad na mensahe, binigyang-diin ni Atty. Eric Claudio, direktor ng NEUST Office of International Affairs at punong-abala sa aktibidad, na maaaring magsilbing lakas ang pagkakaiba-iba ng mga bansa at kultura upang makabuo ng kolektibong direksiyon para sa rehiyon.
βWe are diverse peoples, cultures, and traditions, but our diversity does not have to divide us. Instead, it can become the very strength that allows us to create something greater together, while navigating our future with unity, clarity, and purpose,β pahayag ni Atty. Claudio.
Aniya, layunin ng pagdiriwang na palalimin ang kaalaman at pagpapahalaga ng komunidad ng NEUST sa ASEAN. Nilalayon din nitong palakasin ang mga ugnayang nabubuo sa pamamagitan ng sama-samang pagkatuto, pagtutulungan sa pananaliksik, pagpapalitan ng kultura, at pagbubukas ng mga oportunidad para sa mga mag-aaral at guro.
Pamantasan Bilang Tulay ng mga Kultura
Itinampok ni NEUST President Dr. Rhodora Jugo ang mahalagang papel ng mga pamantasan bilang tagpuan ng magkakaibang kultura, ideya, at karanasan kung saan maaaring mabuo ang pagkakaibigan, pagtutulungan, at mga bagong oportunidad.
βBecause ASEAN becomes real not when we simply learn about each other’s countries, but when we begin to understand the people behind them. We came from different places carrying different stories, but today we are writing one small part of a shared story,β ani Dr. Jugo.
Hinikayat din niya ang mga kalahok na gawing higit pa sa pagmamasid sa mga pagtatanghal ang pagdiriwang. Sa halip, hinimok niya silang aktuwal na makipag-ugnayan, kilalanin ang isaβt isa, at ibahagi ang kani-kanilang kultura at karanasan.
Pandaigdigang Kooperasyon para sa Edukasyon at Kapayapaan
Kabilang sa mga panauhing tagapagsalita si Dr. Ali Sorayyaei Azar, senior lecturer sa Department of Language and Literacy Education ng University of Malaya (UM) sa Kuala Lumpur, Malaysia. Tinalakay niya ang kahalagahan ng pandaigdigang pagtutulungan sa edukasyon, pananaliksik, pakikipag-ugnayan sa komunidad, at pagtataguyod ng kapayapaan.
βThe greatest outcome of international collaboration is not only the knowledge that we produce, but it is also the relationships that we build, the understanding that we may develop among different people, and the peace that we help sustain,β ayon kay Dr. Azar.
Binigyang-diin niya na ang pagtutulungan ng mga pamantasan ay hindi lamang nakasentro sa pagpapalitan ng mga mag-aaral at guro o sa pagbuo ng mga programang akademiko. Saklaw din nito pagbabahagi ng mga ideya, kultura, karanasan, at kaalamang makatutulong sa pagtugon sa mga hamong lumalampas sa hangganan ng bawat bansa.
Tinalakay rin ni Dr. Azar ang kahalagahan ng kakayahang makipag-ugnayan sa ibaβt ibang kultura, magkatuwang na pananaliksik at publikasyon, mga kumperensiya, programang ekstensiyon, paglilipat ng teknolohiya, at pagpapaunlad ng kakayahan. Aniya, nakatutulong ang mga ito upang maisalin ang kaalamang akademiko sa mga konkretong pakinabang para sa mga komunidad.
Pananaliksik at Inobasyon para sa Sustenableng Pag-unlad
Nagbahagi rin ng mensahe si Prof. Dr. Mohd Faizul Bin Mohd Sabri, ASEAN Chartered Professional Engineer at Professor and Deputy Dean of Research Innovation sa Department of Mechanical Engineering ng UM. Inihalintulad niya ang pagkakaisa ng ASEAN sa konsepto ng resonance sa inhinyeriya, kung saan nagkakaroon ng higit na lakas ang magkakaibang bahagi kapag nagkakatugma at sama-samang kumikilos.
βWhen we bring these diverse elements together through international research, technological collaboration, and joint innovation, we do not erase our unique roots. Instead, we create a powerful resonance,β giit ni Prof. Dr. Sabri.
Binigyang-pansin din niya ang kahalagahan ng magkatuwang na pananaliksik, paggabay sa mga mag-aaral sa antas gradwado, pandaigdigang pagkakalantad, at pakikipag-ugnayan sa ibaβt ibang kultura. Mahalaga umano ang mga ito sa pagbuo ng mga makabagong solusyon para sa sustenableng pag-unlad at paghahanda sa susunod na henerasyon ng mga inhinyero, siyentista, iskolar, alagad ng sining, at pinuno.
Ayon pa sa kanya, mahalaga ang papel ng mga institusyong pang-akademiko sa pagsasanib ng teknikal at akademikong kahusayan, pananaliksik, malasakit, pag-unawa sa kultura, at pagtutulungan upang makalikha ng mga solusyong tumutugon sa aktuwal na pangangailangan at suliranin ng mga komunidad at ng rehiyon.
Pagpapatibay ng mga Institusyonal na Ugnayan
Nagpaabot din ng pagbati si Institut Asia Malang Rector Risa Santoso ng Indonesia. Binigyang-diin niya na nagsisilbing lakas ang pagkakaiba-iba sa pagbuo ng mga bagong pananaw at sa pagpapaigting ng ugnayan ng mga institusyon.
βI think diversity is one of our biggest strengths because we have very different cultures, very different languages. And I think with diversity, we have many different perspectives,β paliwanag ni Rector Santoso.
Hinimok din niya ang pagpapatuloy ng pagtutulungan sa pananaliksik, pagpapalitan ng mga mag-aaral, at pagbuo ng magkasanib na programa upang makalikha ng mas maraming oportunidad para sa mga guro at mag-aaral ng mga katuwang na institusyon.
Matapos ang mga mensahe ng mga panauhing pandangal, isinagawa ang seremonyal na turnover ng Memorandum of Understanding (MOU), o Kasunduan sa Pagkakaunawaan, sa pagitan ng NEUST at University of Malaya bilang bahagi ng pagpapatibay ng ugnayan ng dalawang institusyon.
Kultura, Sining, at Pagkaing ASEAN
Nagbigay-kulay sa programa ang NEUST Folkloric Society sa pamamagitan ng mga sayaw mula sa ilang bansang kasapi ng ASEAN at mga piling tradisyonal na sayaw ng Pilipinas. Naghandog din ng pagtatanghal ang mga mag-aaral mula sa College of Education (COED).
Ipinamalas naman ng mga exchange student mula sa Universitas Negeri Semarang ang kultura at tradisyon ng Indonesia sa pamamagitan ng kanilang inihandang pagtatanghal.
Isa sa mga tampok ng pagdiriwang ang ASEAN Food Exhibit na pinamagatang βFlavors of Unity and Contours of Culture,β kung saan itinampok ang ibaβt ibang pagkain mula sa mga bansang kasapi ng ASEAN na inihanda at inihain ng mga mag-aaral ng Hospitality Management ng College of Management and Business Technology (CMBT) at mga mag-aaral sa Culinary ng College of Industrial Technology (CIT) para sa mga opisyal ng Pamantasan, panauhin, guro, mag-aaral, at iba pang bisita.
Ipinakita rin sa ASEAN Charcoal Expression Exhibit ang mga likhang-sining ng mga mag-aaral ng College of Architecture. Tampok sa eksibit ang mga larawan ng mga pinuno ng mga bansang ASEAN na iginuhit gamit ang uling bilang pangunahing midyum.
Patuloy na Pagsulong ng Internasyonalisasyon
Bahagi lamang ang mga ito ng mga aktibidad na inihanda ng Pamantasan para sa pagdiriwang ng ASEAN 2026. Nakatakda pang magsagawa ang NEUST ng iba pang kaugnay na programa sa buong buwan ng Agosto.
Sa pamamagitan ng pagdiriwang, patuloy na pinalalawak ng NEUST ang mga hakbangin nito tungo sa internasyonalisasyon ng edukasyon sa pananaliksik, at pagpapalitan ng kultura. Pinagtitibay rin nito ang pakikipagtuwang sa mga institusyon sa ibang bansa upang makalikha ng mas maraming pandaigdigang oportunidad para sa mga mag-aaral at guro.
#NEUSTGLOBAL
#ASEAN2026
#SDG4QualityEducation
#SDG10ReducedInequalities
#SDG16PeaceJusticeAndStrongInstitutions
#SDG17PartnershipsForTheGoals










