Kinilala ang Nueva Ecija University of Science and Technology (NEUST) bilang isa sa mga Top Nomination Entries sa Gawad Sulong 2026: Natatanging Katuwang ng Programa – Program Partner State Universities and Colleges Category sa seremonyang ginanap noong Agosto 11, 2026 sa University President Conference Room, General Tinio Campus, Cabanatuan City.

Iginawad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office III – Central Luzon ang parangal bilang pagkilala sa natatanging resulta ng pagsusuri at validation ng NEUST sa isinagawang regional assessment. 

Ang parangal ay ipinagkaloob nina Jaimie Arcega at Irene Jane Tomas, mga kinatawan mula sa Promotive Services Division ng DSWD.

Naging mahalagang bahagi ng pagkilalang ito ang mga Research, Extension, and Training (RET) initiatives ng NEUST Laboratory High School (LHS) Department, na sumusuporta sa mga layunin ng Sustainable Livelihood Program (SLP).

Sa pamamagitan ng mga inisyatibang ito, naibabahagi ng LHS ang kaalaman, kasanayan, at mga resources ng pamantasan upang makatulong sa pagpapaunlad ng komunidad at pagsusulong ng sustainable livelihood.

Kinatawan ang NEUST sa seremonya nina University President Dr. Rhodora Jugo; Vice President for Research, Extension and Training Dr. Jean Guillasper; Dr. Marivic Villegas, Director ng Extension Services Department; Dr. Maria Fe Blas, LHS Principal; Dr. Emmanuel Joy Cleto, LHS RET Chairperson; at mga guro ng LHS.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Pangulong Jugo na bahagi ng GLOBAL framework ng NEUST ang “O” na nangangahulugang Opportunities for Human Capital Empowerment, na hindi lamang nakatuon sa mga guro, kawani, at mag-aaral, kundi maging sa buong hanay ng stakeholders ng pamantasan, kabilang ang mga katuwang na government at non-government agencies tulad ng DSWD.

“Hindi lamang ito para sa aming mga guro, personnel at mag-aaral; kaakibat nito ang buong stakeholders ng NEUST at kabilang po ang mga partner government and non-government agencies, at isa na doon ang DSWD,” wika niya.

Binigyang-diin din ng Pangulo ng Pamantasan na higit sa mga parangal at pagkilala, mahalagang sukatan ng tagumpay ng isang pamantasan ang tunay nitong ambag sa buhay ng mga tao at sa komunidad.

“Isa sa batayan ay hindi ang mga recognitions kundi kung nakakatulong ba ang Pamantasan sa pag-angat ng mga tao,” pahayag ni Dr. Jugo, at idinagdag na patuloy na sinusuri ng NEUST kung paano nakatutulong ang mga programa at inisyatiba nito sa komunidad.

Pinuri rin ng Pangulo ang Laboratory High School, na sa kabila ng maliit na bilang ng mga guro ay patuloy na nakapaglunsad ng mga sustainable at makabuluhang proyekto para sa komunidad.

“Ang LHS kahit kakaunti ang mga guro ay sustainable at napakamakabuluhan ng kanilang mga proyektong naiisip para sa mga kababayan natin,” ani Dr. Jugo.

Inihayag niya na ang naturang pagkilala ay isang buhay na patotoo na may konkretong nagagawa ang pamantasan para sa komunidad—mula sa mga simpleng inisyatiba na patuloy na napauunlad, napalalawak, at naipapasa sa mas maraming benepisyaryo.

Patuloy na isinusulong ng NEUST ang research, extension, at training initiatives nito bilang bahagi ng pangakong palakasin ang ugnayan sa mga katuwang na institusyon at maghatid ng mga programang may makabuluhang ambag sa sustainable development, community empowerment, at serbisyong publiko.

 

#NEUSTGLOBAL #NEUSTRET #NEUSTLHS  #SDG4QualityEducation #SDG9IndustryInnovationAndInfrastructure #SDG11SustainableCitiesAndCommunities #SDG17PartnershipsForTheGoals