Isinasagawa ng Department of Budget and Management (DBM) ang Pagsusuri ng Pagganap ng NEUST sa Kalagitnaan ng Taon ngayong araw, Agosto 20, 2026, sa Wright Hall, Mini Convention Center, NEUST Sumacab Campus.

Layunin ng pagsusuri na talakayin ang mid-year performance ng Pamantasan para sa Taong Pananalapi 2026, kabilang ang mga itinakdang obligasyong pinansyal, paggasta, at pisikal na target ng Pamantasan.

Tatalakayin din ang mga panloob at panlabas na salik na maaaring nakaapekto sa pagpapatupad ng mga programa at proyekto, gayundin ang mga catch-up plan na ipatutupad ng Pamantasan para sa mga natitirang bahagi ng taon.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Pangulo ng Pamantasan Dr. Rhodora Jugo ang kahalagahan ng pagsusuri upang matukoy ang kasalukuyang estado ng aspetong pinansyal ng Pamantasan at matiyak na nagagamit ang pondo nang naaayon sa mga pangangailangan at prayoridad ng NEUST.

“Ang hamon sa atin ay kung paano natin mapapabilis at mapapahusay pa ang paggamit ng ating pondo upang mas direktang masuportahan ang ating mga guro, kawani, mag-aaral, at mga programa at proyekto ng Pamantasan,” wika ng Pangulo.

Kaugnay nito, inilalahad ng mga kinauukulang yunit at departamento ang mga kinakailangang dokumento, ulat sa kasalukuyang kalagayan ng mga proyekto, at mga iminumungkahing estratehiya para sa pagkamit ng mga itinakdang target.

Bahagi ito ng patuloy na pagsisikap ng NEUST na mapanatili ang mabisa, maayos, at responsableng pagpapatupad ng mga programa at paggamit ng pondo ng Pamantasan.

Kabilang sa mga dumalo sa pagpupulong ang mga lider ng Pamantasan at mga kinatawan ng DBM Region III na sina Ms. Maria Luningning Pangilinan, Senior Budget and Management Specialist; Ms. Adoracion Mangalino, Chief Budget and Management Specialist; at Ms. Andrea Anne Tulabut, Budget and Management Specialist.

#NEUSTGLOBAL #MidYearPerformanceReview
#SDG4QualityEducation #SDG9IndustryInnovationAndInfrastructure #SDG16PeaceJusticeAndStrongInstitutions #SDG17PartnershipsForTheGoals