Isinagawa ngayong Agosto 26, 2026 ang exploratory meeting sa pagitan ng Nueva Ecija University of Science and Technology (NEUST) at Add Courage, isang corporate training at human resources consulting firm na nakabase sa Singapore. Ginanap ang pagpupulong sa Office of the University President, NEUST Sumacab Campus.

Tinalakay sa pagpupulong ang mga posibleng larangan ng pakikipagtulungan na nakatuon sa leadership, artificial intelligence (AI), at empowered living. Kabilang dito ang mga programang naglalayong paunlarin ang kakayahan at pamumuno ng mga kabataan.

Dumalo sa pagpupulong ang mga pinuno ng mga tanggapan sa ilalim ng Office of Student Affairs and Services (OSAS), kasama sina Vice President for Administration, Business, and Finance Atty. Bembol Castillo; Vice President for Academic Affairs Dr. Feliciana Jacoba; Dr. Ma. Lourdes R. Quijano, Dean ng OSAS; at Atty. Eric Claudio, Director ng Office of International Affairs.

Inilahad ni Dr. Quijano ang mga layunin sa kalidad ng NEUST-OSAS, pati na ang mga tanggapang nasa ilalim nito at ang kani-kanilang tungkulin at mandato.

Samantala, ipinakilala at ipinaliwanag ni Add Courage Founder and CEO Lawrence Lee ang mga programa, aktibidad, at oportunidad na maaaring maging bahagi ng posibleng pakikipagtulungan ng organisasyon sa NEUST.

Kabilang sa mga tinalakay ang posibleng pakikilahok ng NEUST sa Empowered Youth Leadership Conference (EYLC), gayundin ang mga onsite at online training program na maaaring ialok nang libre sa mga mag-aaral.

Itinatag ni Lee ang Add Courage noong 2009. Isinusulong nito ang EYLC, isang pandaigdigang platapormang nakatuon sa pagpapaunlad ng pamumuno at kakayahan ng mga kabataan.

Sa pamamagitan ng pagpupulong, patuloy na tinutuklas ng NEUST ang mga makabuluhang pakikipagtulungan na makapagbibigay sa mga mag-aaral ng karagdagang oportunidad para sa pagkatuto, pagpapaunlad ng pamumuno, at holistikong pag-unlad.

#NEUSTGLOBAL
#SDG4QualityEducation
#SDG8DecentWorkAndEconomicGrowth
#SDG9IndustryInnovationAndInfrastructure
#SDG17PartnershipsForTheGoals